SOLON: SENADO HINDI PINI-PRESSURE SA HIRIT NA SUMMON KAY VP SARA

ITINANGGI ng isa sa House prosecutors sa Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na pine-pressure ng mga ito ang liderato ng Senado na magsisilbing Impeachment Court at huhusga sa pangalawang pinakamataas na lider ng bansa.

We are not pressuring (ang Senate), we are doing our job. Sabi ko nga kanina, gusto rin namin mangampanya pero kami naman ang magkakaroon ng culpable violation of the Constitution ‘pag hindi namin ginawa ang aming tungkulin,” ani House minority leader Marcelino Libanan.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag kaugnay ng kanilang inihaing mosyon sa Senado na pasagutin si Duterte sa articles of impeachment na isinumite ng Kamara noong Pebrero 5, 2025 kahit hindi pa nako-convene ang Impeachment court.

Ayon kay Libanan, patuloy na nagtatrabaho ang Senado sa pamamagitan ng mga public hearing kahit nakabakasyon ang mga ito kaya maaari nilang talakayin ang inihaing mosyon ng mga ito noong Martes.

“Sinasabi nila baka hindi sila makapagtrabaho dahil break na ‘yung Senado. Pero apparently, nagkaroon po sila ng hearing last Thursday noong committee ni Senadora Imee [Marcos]. Ibig sabihin, nagtatrabaho pa rin po ang Senado,” paliwanag ng mambabatas.

Ipinagtanggol din ng mga ito ang kanilang aksyon dahil sumusunod lamang umano ang mga ito sa Saligang Batas na agad aksyunan ang impeachment case kahit nakabakasyon ang dalawang Kapulungan.

“Kung sinasabi ng Constitution that the proceeding shall start forthwith, e kailangan sumunod kami. Otherwise ‘pag hindi kami sumunod, kami na ang nagba-violate ng ating Constitution. So kahit anong ginagawa po namin dahil napakahalaga ng proseso nito ay kailangan sumunod po kami sa ating pinaka-fundamental law,” ayon pa rito.

Dahil dito, umaasa ito na pasasagutin ng Senado si Duterte sa loob ng 10 araw mula nang ihain ang nasabing mosyon upang masimulan na ang paglilitis at hindi malabag ang Saligang Batas.

(PRIMITIVO MAKILING)

26

Related posts

Leave a Comment