IBA’T IBANG PANSIT SA HAPAG NG MGA PINOY

PANSIT-4

Ang pansit (o pancit) ay pagkaing hindi nawawala sa hapag ng mga Pinoy.

Bahagi na ito ng ating kultura na inihahanda sa pang-araw-araw na kainan o kahit anumang okasyon.

Ang pagka-popular ng pagkaing ito ay sumunod sa kanin.

KASAYSAYAN

Ang pagkaing ito ay nagmula sa mga Chinese nang sila ay dumating dito sa ating bansa.

Ayon sa kasaysayan may mga Tsino nang nasa Pilipinas bago pa man nagsimulang dumating ang mga Kastila sa atin.

Sa paninirahan ng mga sinaunang Chinese noon ay naipakilala na ang masarap na lutuing pansit.

Ang salitang pansit ay hango sa Hokkien na “pian i sit,” na ang ibig sabihin ay “pagkaing madaling lutuin”. Sa kwento kasi noon ay madali itong lutuin kumpara sa bigas.

TrigoAng unang uri ng pansit noon ay mula sa wheat o trigo sa Tagalog. Sa paglipas ng panahon ay iba-iba na rin ang pinagmumulan nito o kung paano ito ginagawa.

Kahit pa nag-iiba-iba ang pansit sa atin ay hindi maikakailang gustung-gusto natin itong mga Pinoy. Ini-enjoy natin ang pagkain nito mula sa iba’t ibang uri tulad ng sotanghon at iba pa; paraan ng pagkain nito tulad ng habhab; at kung saan pwedeng makain – sa bahay man, restaurant o kahit sa turo-turo.

PAMAHIIN

– Sa kahit na anumang okas-yon ay inihahanda ang pansit sa katwirang pampahaba raw ito ng buhay, relasyon at kaginhawahan at ito ay nakuha natin base sa paniniwala mismo ng mga Chinese

– Ibinabawal ang putulin ang pansit (kahit pa ang pasta o noodles) habang ito ay niluluto o bago kainin upang hindi rin maputol ang paghaba ng buhay na inaasahan. Para sa mga Intsik, kapag pinutol ang noodles ay nakokorap lamang ang symbolism nito.

Iba’t Ibang Uri Ng Pansit

Sa ating mga Pinoy, napakapangkaraniwan ang kanin na may iba’t iba ring uri nito tulad mula sa pagiging regular, brown rice at iba pa.

At tulad ng bigas, ang pansit ay natatangi rin at kung tutuusin ay mas maraming uri ito kaya naman sa kahit anong salu-salo ay may pagpipiliang ihahanda sa hapag – ito man ay guisado (dry) o may sabaw at iba pa na pwedeng matagpuan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Ating alamin ang mga ito…

PANSIT BIHON

PANSIT BIHONIto ang pinakaklasik na pansit sa mga Pinoy. Ito rin ang pinaka-popular Filipino stir-fry noodle na pwedeng araw-arawin at ihanda sa espesyal na okasyon at karaniwan din itong nakikita sa anumang lugar sa bansa.

Nilalahukan ito ng mga gulay tulad ng repolyo, carrots at iba pa. Nilalagyan din ito ng  karne ng baboy o manok, atay o hipon, fishballs o kikiam. Mas maraming lahok mas masarap.

PANSIT SOTANGHON

PANSIT SotanghonAng sotanghon ay isang uri ng transparent noodles. Tinatawag din itong glass noodles o cellophane noodles, bean thread noodles at Chinese vermicelli.

Swak na swak ang sotanghon sa lutuing guisado o may sabaw.

Sa uri ng lutuing may sotanghon ay karaniwan nang pinanglalahok dito ay manok. Sa may sabaw, ang manok ay hinihimay na may katamtamang laki o haba ng hibla. Nilalagyan din ito ng mga gulay tulad ng repolyo, carrots, sibuyas, bawang, dahon ng sibuyas, paminta, atsuete na pampakulay, at nilagang itlog.

Sa ibang putahe ay inihahalo rin ang sotanghon sa iba’t ibang uri ng lumpia, at sa iba pang lutuin.

PANSIT LUG­LUG

LuglugAng pansit na ito ay popular sa Pampanga. Ito ay isang bersyon ng pansit palabok.

Ang salitang luglug ay tumutukoy sa paraan ng pagluluto sa makapal na rice noodles. Ang noodles ay inilalagay sa isang basket na inilulubog naman sa kumukulong tubig hanggang sa tuluyang maluto. Karaniwang kulay ng noodles nito ay puti.

PANCIT CHAMI

ChamiHango sa dalawang salitang Chinese na “cha” na ang ibig sabihin stir-fry at “mi” bilang noodles, ang chami ay isang lutuin kung saan ang karaniwang ginagamit na miki noodles dito ay flat o medyo flat.

Halos katulad lang din ito ng ibang pansit pero iba ang inihahatid na lasa na para sa iba ay mas malinamnam lalo na kung masarap ang pagkakaluto.

Ang uri ng pansit na ito ay popular sa Lucena.

PANSIT HABHAB

Sikat din ang uri ng pansit na ito sa Quezon.

Ang pansit na ito ay ginamitan ng dried miki noodles (dried rice flour noodles).

Pansit Habhab-2Naiiba ang pansit na ito dahil maliban sa papatakan o lalagyan mo ito ng suka bilang pandagdag na sarap ay iba ang paraan kung paano ito kakainin. Hindi ito ginagamitan ng tinidor o chopsticks o anumang utensils. Nilalagay lamang ang pansit na ito sa dahon ng saging at pagkabigay sa iyo ay diretso mo itong kakainin – diretso sa bibig.

Kung sobrang init ng pansit ay ginagamitan din ito ng manila paper o diyaryo na nasa ilalim ng dahon ng saging upang mahawakan ang inihaing pansit sa customer. Nakakatuwa ring bumili nito na bukod sa masarap na ay mura pa – P10-P15 kada serving at napakadaling makita saan mang pook kapag ikaw ay nasa Lucban.

Ang salitang habhab ay tumutukoy sa pagkain gamit ang iyong bibig.

Maliban sa mga nabanggit, mayroon din tayong pansit Malabon, canton, palabok, lomi, langlang, batil patong at marami pang iba.

Tunay naman, ang pansit ng mga Intsik ay mas pinasarap pa nating mga Pinoy dahil na rin sa ating pagiging malikhain.

Isang patunay pa rito, ang ilan sa mga pansit na atin nang kinalakihan ay mabibili na rin nang instant at nasakop na rin ang supermarkets o grocery stores, maging sa sari-sari stores ay makikita na rin ito. (ANN ESTERNON)

1020

Related posts

Leave a Comment