MAGING MAINGAT SA ANTIBIOTICS

ANTIBIOTICS

(Ni ANN ESTERNON)

Ang pag-inom ng antibio­tics ay dapat mula sa reseta ng inyong doktor.

Hindi ito iniinom bilang self-medication o naaayon sa inyong desisyon lamang.

Ang tamang pag-inom ng antibiotics ay kadalasang sa loob ng pitong araw o isang linggo kung saan ipinapayo rin ng doktor na bumalik sa kanya matapos nito. May pagkakataon na depende sa naging reaksyon ng katawan sa antibiotics  lalo na kung walang masyadong naging improvement  ay maaaring ma­dagdagan pa ang araw na dapat kang uminom pa nito.

Maging maingat din sa pagbili nito sa mga botika. Ang pagbili rin nito ay hindi basta-basta. Karamihan sa mga botika ay hindi nagbibigay ng antibio­tics na walang reseta ng doktor. At ang reseta ay dapat bagong bigay lamang ng doktor kaya hindi pupuwedeng magbigay ng reseta na gamit na.

Hindi basta-basta ang pag-inom nito dahil maaaring makapatay ito sa good bacteria na nasa katawan na lumalaban o pangontra rin sa bad bacteria o yeast infections.

KAILAN NAKATUTULONG O HINDI NAKATUTULONG ANG ANTIBIOTICS?

Ang antibiotics ay gamot na panlaban sa bacterial infections katulad ng strep throat at urinary infections. Hindi nito ginagamot ang anumang viruses gaya ng sipon, lagnat o mono (mononucleosis).

Minsan ipri-prescribe ng inyong doktor ang isang antibiotic para maiwasan ang impeksyon. Pini-prescribe din ito para magamot ang mga sakit sanhi ng parasites at iba pang uri ng fungus. Sa halip na tanungin ang inyong doktor para sa isang antibiotic para sa isang virus, tanungin sa kanya kung anong dapat mong gawin para guminhawa na ang pakiramdam at mawala ang anumang sintomas habang ang iyong katawan ay lumalaban sa isang viral infection.

Kapag niresetahan ka ng doktor ng isang antibiotics, sundin nang maigi ang payo kung paano iinumin ito. Inumin ang lahat ng antibiotic medicines na bigay ng doktor. Huwag itabi ang ilan dito para lang may magamit ka pa sa susunod na magkasakit ka. Kapag nag-skip ng isa o dalawang doses nito, ang ibang bacteria ay pwedeng maiwan pa sa iyong katawan. Kapag ganito ay maaaring magkasakit ka muli o humaba pa ang mga araw na may sakit ka, at maaaring i-resist na ng iyong katawan ang future antibiotic treatment.

Madalas nating marinig o mabasa sa advertisement ang kahalagahan ng paghuhugas ng kamay. Hugasang mabuti ang mga kamay gamit ang sabon at malinis na tubig bago kumain at matapos gumamit ng banyo. Ang regular na paghuhugas ng mga kamay ay makatutulong upang ikaw ay maging healthy at mabawasan ang pag-inom ng antibiotics.

IBA PANG DAPAT NA IKONSIDERA

Palaging nagagamit ang antibiotics sa iba’t ibang rason. Minsan ito ay nagagamit nang mali. Dahil dito ang pagkakaroon ng antibiotic resistance na nagi­ging common problem. Nangyayari ito kapag ang bacteria sa iyong katawan ay nag-iiba. Kapag ganito ay nahihirapan ang antibiotics na labanan ang bacteria. Pwedeng mangyari ito kapag ang bacteria ay nauulit na nae-expose sa parehas na antibiotics. O maaaring mangyari kapag ang bacteria ay naiwan sa katawan. Ang bacteria na ito ay darami at mas magiging malakas o matibay para mag-resist sa antibiotics na iinumin mo in the future. Nagiging sanhi para ang impeksyon sa katawan mo ay mas tumagal o lumala pa. At kapag ganito ay magpapabalik-balik ka na lamang sa doktor. Maaari ring kailanganin mo pang uminom ng ibang gamot. Posible ring magtungo ka pa sa ospital para makakuha ng stronger antibiotics na intravenously o sa pamamagitan ng IV needle na daraan sa iyong ugat.

Tandaan din na ang ibang miyembro ng pamilya o ibang tao na lalapit sa iyo ay mae-expose sa resistant bacteria na mayroon ka. At ang mga taong ito ay maaaring magkaroon din ng impeksyon na mahirap ding magamot.

Sa ganitong sitwasyon ay tumataas ang tsansa na isang araw ay magkasakit ka na hindi magagamot ng antibiotics na iinumin mo. Nangyayari iyan kapag nainom ka ng antibiotics na hindi mo naman kailangan o hindi mo natapos ang gamutang ipinayo sa iyo ng doktor. Kaya delikado ang mag-self medicate.

Kapag hindi tama ang pag-inom ng antibiotics ay mataas ang peligro nito sa personal at public health. Ang ear at sinus infections ay kadalasang sanhi ng viruses. Hindi nagagamot ng antibiotics ang viruses. Magpi-prescribe ang doktor ng antibiotics kapag ang sintomas ay tumagal ng pito o higit pang bilang ng mga araw o kung ito ay lumala pa.

Ang payo ng doktor sa haba ng araw para inumin ang antibiotics ay sapat lamang para mamatay ang bad bacteria sa inyong katawan. Kaya mahalaga na rekomendado ng doktor ang uri ng gamot na ito bago inumin.

Ang isang senyales na nasosobrahan ka na sa pag-inom o hindi rin tama ang pag-inom ng antibiotics ay ang pamamaga ng gilagid.

MGA BAGAY NA DAPAT ITANONG SA DOKTOR

Kapag nagpapakonsulta sa doktor ay alamin ang mga bagay tungkol sa inyong sakit, sa mga nararamdaman o sintomas na ipinapakita nito sa inyo. Mahalaga ring sinasabi ninyo sa inyong doktor ang mga tunay na nangyayari sa inyo habang dinaranas ninyo ang inyong sakit.

Alamin sa doktor ang mga sumusunod na halimbawang tanong:

  1. Paano ko malalaman kung ang impeksyon ay galing sa bacteria o virus?
  2. May bakuna ba na poprotekta sa akin o sa aking anak mula sa certain bacterial infections?
  3. Ang allergy ba sa antibiotic ay isang senyales ng antibiotic resistance?
  4. Maaari bang hindi pumayag ang doktor kapag humingi ako o magpareseta ako ng antibiotic?
  5. Ano ang mga posibleng maging side effects ng pag-inom ng antibiotics?

MGA SIDE EFFECT NG ANTIBIOTICS?

– Pagsusuka.

– Matubig na diarrhea at pananakit ng tiyan o pagkakaroon ng digestive problems.

– Allergic reactions tulad ng kahirapan sa paghinga, hives, pamamaga ng mga labi, mukha, dila, o pagkahimatay.

– Pagkakaroon ng pantal o rashes.

– Pangangati sa vaginal area o pagkakaroon ng discharge.

– Pagkakaroon ng white patches sa dila.

– Kawalan ng ganang kumain.

– Pananakit o sobrang pananakit ng ulo.

– Pagdurumi na may kasamang dugo.

– Pagkakaroon ng lagnat.

– Pagkakaroon ng fungal infections sa vaginal area (pamamaga, pangangati, pamumula), bibig, at lalamunan.

485

Related posts

Leave a Comment