PARA sa mga grupong kinabibilangan ng mga babaeng magsasaka, malinaw na pag-amin ng administrasyong Marcos sa nakaambang krisis ang isinusulong na pamamahagi ng food stamps ng pamahalaan.
Ayon kay Zenaida Soriano na tumatayong chairperson ng grupong Amihan, hindi na nagawa pa ng gobyernong mag-isip ng mas komprehensibong solusyon, maliban sa Food Stamp Program na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Food Stamp Program naman ngayon. Ibig sabihin, wala na silang ibang maisip at hindi na nila talaga ma-deny ang napakalalang kagutuman,” patutsada ni Soriano.
Kung pagbabatayan aniya ang pinakahuling datos ng Social Weather Station (SWS) kung saan lumalabas na nasa 2.7 milyong pamilya ang dumaranas ng gutom sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon – malabong magtagumpay ang programang ‘Walang Gutom 2027’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mungkahi ng grupo, palalakasin ang lokal na produksyon ng pagkain para maiwasan ang pagkalam ng sikmura ng mga maralitang pamilyang Pilipino.
“Dapat masapol nila ang problema para masolusyonan ito. Marcos Jr. and the DSWD should first realize how to develop and strengthen the local production and not on importation. Band aid solution na naman ito,” ayon pa kay Soriano.
Bukod sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pagkain, kabilang rin sa itinutulak ng grupo ang paglikha ng mas maraming trabahong may makatarungang pasahod, ang patuloy na pamamahagi ng ayuda, at ang katuparan ng pangakong sapat at abot-kayang pagkain.
Para kay Soriano, walang pwedeng sisihin sa dinaranas na krisis kundi ang mismong Pangulong aniya’y piniling umangkat na lang sa ibang bansa sa tuwing may kakulangan ng supply ng pagkain sa Pilipinas.
Si Marcos ang tumatayong Kalihim ng Department of Agriculture.
“Pampalubag loob lamang ito sa mga maralitang mamamayan at malaki ang posibilidad na tutungo ito sa batbat na mga problema at intriga batay na rin sa mga karanasan ng programa ng gobyerno.” (BERNARD TAGUINOD)
