Panawagang pagkakaisa ni PBBM binigyang diin ni Rep. Nograles CSO INILUNSAD SA ANGONO, RIZAL

PORMAL na nanumpa ang mga miyembro ng Civil Society Organization (CSO) sa bayan ng Angono, Rizal na pinangunahan ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles, kumatawan kay Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng SAKSI Ngayon kay Nograles, ipinaliwanag nito ang kahalagahan ng CSO at ang papel na gagampanan nito sa pagbangon ng bansa.

“Ang Civil Society Organization ay iba’t ibang samahan na kinakailangang dumaan sa proseso ng akreditasyon, sa tulong ng DILG, hindi naman komo mayroon kayong samahan ay kikilalanin na kayo, kailangan po natin ang akreditasyon para kilalanin ng mga LGU at masuportahan ang kanilang programa,” Ayon kay Nograles.

Sinabi rin ng kongresista na ang paglulunsad ng accreditation ng CSO ay hindi lamang sa lalawigan ng Rizal kundi sa buong bansa.

Makikita aniya ang CSO sa iba’t ibang larangan tulad ng sports, beauty, healthcare atbp. upang suportahan ang mga programa ng pamahalaan.

Tiniyak din ni Nograles na laging nakahanda ang DILG at office of the Vice President para suportahan ang mga CSO.

Kasabay nito, nanawagan ng unity o pagkakaisa ang batang mambabatas para malabanan ang kasalukuyang kahirapan sa bansa na pinatindi ng epekto ng pandemya.

“Sapagkat ang bansa ay unti-unting bumabangon sa gitna ng pandemya, economic crisis. Hirap na hirap na po tayo, nagtataasan ang presyo ng gasolina, mga bilihin sa palengke, kailangan na po nating magkaisa at magtulungan,” ayon pa kay Nograles. (KNOTS ALFORTE)

130

Related posts

Leave a Comment