2 PINOY BOXERS KAMPEON SA MEXICO AT THAILAND

KASUNOD ng panalo ni Dave Apolinario sa South Africa dalawang linggo na ang nakararaan, ilang Pinoy boxer ang nagsipanalo rin sa kani-kanilang mga laban.

Naitala ni IBF super flyweight top contender Jade Bornea ang 18th win (12 KOs) via ­seventh-round technical knockout kontra veteran Mexican fighter Ivan Meneses noong Biyernes sa Mexico.

Matiyagang naghintay ng pagkakataon si Bornea, mula sa pasundot-sundot na body shots at combinations kay Meneses. Nang makitang bumagal ang Mexican, hindi na nagdalawang isip ang undefeated Pinoy at tinapos ang laban sa ikapitong round.

Malakas si Meneses, ayon kay Bornea, na madalas sumabak sa ibang bansa o sa lugar ng kalaban at dahil may sapat siyang preparasyon kaya nagawa niyang tanggapin ang mga ibinatong ­suntok sa kanya.

Bunga ng panalo, posibleng mapabilang siya sa malalaking pangalan sa super-flyweight division tulad nina IBF king Fernando Martinez, WBA’s Joshua Franco at WBO’s Kazuto Ioka.

Nagtala rin si Adrian Lerasan ng 9th round TKO win laban kay Nattapong Janseak ng Thailand upang tanghaling WBA Asia super flyweight champion, Biyernes sa Bangkok.

Nagpakawala ang 23-anyos na si Lerasan ng matinding kaliwa, para sa unang bagsak ng Thai boxer. Mula sa isang right straight ng Pinoy ang isa pang KO ni Janseak.

Nagpatuloy ang suntukan at dito na pinaspasan ni Lerasan ang kanyang mga suntok, hanggang itigil ni referee Pinit ­Prayadsad ang sagupaan.

Si Lerasan ay mayroon na ngayong 12 wins, four losses (5 KOs), habang unang kabiguan naman ito ni Janseak kasunod ng 10 straight wins.

Ikaapat na championship belt na rin ito ni Lerasan sa Thailand.

Noong Marso, 2020 ay ­nakuha niya ang bakanteng WBA Asia 115-lb belt nang umiskor ng 8th round stoppage kay Tanes Onguinta sa Suamlum Night ­Bazaar sa Bangkok.

Ang ikalawang titulo ay mula sa KO ng Pinoy kay Suradech ­Ruhasiri sa 5th round para sa vacant WBC Asian Boxing ­Council Continental super fly, Oktubre 2021 sa I-Mobile Football Stadium sa Buriram.

Kasunod nito, tinalo niya via 7th round TKO si Phongsaphon Payakum para agawin ang WBC Asian Boxing Council 115-lb belt, Pebrero 2022 sa Bangkok pa rin. (VT ROMANO)

Related posts

Leave a Comment