SASABAK sa pitong malalaking torneo si world No. 3 at Asian pole vault record holder Ernest John “EJ” Obiena bago matapos ang taon bilang paghahanda sa 2023 Southeast Asian Games sa Cambodia at Asian Games sa Huangzhou, China.
“Suiting up for season 2022 Part 1. Let’s see what we have in the tank!” Ito ang socmed post ni Obiena, na patuloy nag-eensayo sa Areoporto Internazionale Capodichino Napoli sa Naples, Italy sa ilalim ng personal coach na si Vitaly Petrov.
Kabilang sa mga torneong sasalihan ni Obiena ay sa Jockrim, Germany ngayong Agosto 23; Laussane, Switzerland sa 25; Leverkusen, Germany sa 28 at 31 sa St. Wendel, Germany.
Pagdating ng Setyembre 2 ay lalahok siya sa Brussels, Belgium; Berlin, Germany sa 4; at 11 sa Schaan, Liechtenstein.
Huling naitala si Obiena ang bagong Asian record at career-best na 5.94 metro sa World Championships, kung saan nakapagbulsa siya ng bronze medal– kauna-unahan para sa isang Pinoy.
Asam ni Obiena mapantayan, kundi man mahigitan, ang unang Olympic medal ng Pilipinas sa athletics. Nakasungkit si Miguel White ng tansong medalya sa 400m hurdles noong 1936 Berlin Games. (ANN ENCARNACION)
