5TH MVP NI FAJARDO MADIDISKARIL?

fajardo

(Ni JJ TORRES)

POSIBLENG madiskaril ang inaasam ni June Mar Fajardo na manalo ng record na limang Most Valuable Player award.

Ito’y  matapos siyang maungusan ni Stanley Pringle sa statistical race sa kakatapos lamang na 43rd season ng PBA.

Ang NorthPort star na si Pringle ay nagtala ng cumulative average na 35.5 points upang manguna sa MVP derby, habang pumangalawa ang 6-foot-10 na si Fajardo ng San Miguel Beer na may 33.1 SPs.

Sa kabila nito, paborito pa rin si Fajardo na maging unang player sa kasaysayan ng PBA na manalo ng limang MVP base na rin sa performance niya nitong nakaraang kampanya, kung saan tinulungan niya ang Beermen na makuha ang pang-apat na kampeonato sa Philippine Cup.

Nakuha rin ni Fajardo ang Best Player of the Conference noong Philippine Cup at Commissioner’s Cup.

Apatnapung porsyento lamang ng stats ang kukunin para madetermine ang winner ng MVP award, habang ang natitirang animnapu ay manggagaling sa mga boto ng media, players at ng PBA Commissioner’s Office.

Ihahayag ang MVP winner sa opening ng 44th season ng liga sa Enero 13 matapos lumihis ang PBA sa tradisyon na ganapin ang tinatawag nilang Leo Awards bago matapos ang kumperensya.

Kabilang din sa top five ang Barangay Ginebra San Miguel star na si Japeth Aguilar na pumangatlo (32.3 SPs). Pang-apat naman si Sean Anthony ng NorthPort (31.3) at pang-lima si Matthew Wright ng Phoenix (30.0)

Samantala, si Jason Perkins ng Phoenix ang lamang sa race para sa Rookie of the Year.

Si Perkins ay may 23.2 Statistical Points para makakuha ng malaking kalamangan sa dating La Salle teammate at Alaska forward na si Jeron Teng na may 18.7.

Naging paborito si Perkins matapos maging ineligible sina Kiefer Ravena ng NLEX at Christian Standhardinger ng San Miguel.

Matatandaang sinuspinde ng FIBA si Ravena noong Mayo matapos magpositibo siya sa banned substance, habang si Standhardinger naman ay nagsimulang maglaro sa Beermen noon lamang Commissioner’s Cup.

Ang isang player ay dapat nakalaro ng at least 70 percent ng season para maging eligible sa anumang awards.

160

Related posts

Leave a Comment