ANCAJAS SASAGUPA SA PILIPINAS

SISIMULAN ni former IBF ­junior bantamweight champion Jerwin Ancajas ang kampanya sa bantamweight division sa Pebrero 12 at magaganap ito sa Pilipinas.

Sa kanyang 118-lb debut, makakasagupa ng 31-anyos na si Ancajas sa Imus Sports Complex, Imus si Thai journeyman Songsaeng Phoyaem.

Puspusan ngayon ang paghahanda ni Ancajas sa kanilang Survival Camp sa Cavite, ayon na rin sa kanyang manager/trainer na si Joven Jimenez.

“First fight ni Jerwin sa 118, kaya pinaghahandaan naming mabuti, para masiyahan din ‘yung mga kababayan natin kasi first time din in seven years na lalaban siya sa Pilipinas,” lahad ni Jimenez.
Maging si Ancajas (33-3-2, 22 KOs) excited sa una niyang laban bilang bantamweight.

“Excited na ako. Pakiramdam ko mas malakas ako sa weight na ito (118 pounds),” sambit ni Ancajas, dalawang sunod nakatikim ng kabiguan sa kamay ni Argentine Fernando Martinez nitong nagdaang 2022, kung saan naagaw sa kanya ang 115-lb crown, kaya minabuting umakyat sa mas mataas na timbang.

Sa dalawang talo kay ­Martinez, timbang ang kanyang ­naging problema. Nahirapang maka-recover si Ancajas matapos ang weigh-in, pagdating sa gabi ng laban, nanghihina na ito sanhi ng ginawang pagdyidyeta, dahilan para bumagal at halos hindi nakasuntok.

“Ngayon, pakiramdam ko mas okay ito (118 lbs), hindi ko kailangang magbawas nang todo at nandoon pa rin ‘yung lakas ko,” dagdag pa niya.

Sa kabilang panig, ang makakasagupang si Phoyaem (19-3, 13 KOs) mula Nakhon Ratchasima, kagagaling mula sa decision lost sa kamay ni former WBC flyweight champion Daigo Higa ng Japan noong Nobyembre at wagi ng stoppage sa kababayang Thai nitong nakalipas na buwan.

Nakatuon ang kampanya ni Ancajas sa world championship fight, lalo na’t mababakante ang mga korona ni Japanese ­’monster’ Naoya Inoue, kung itutuloy nito ang pag-akyat sa junior featherweight division. (VT ROMANO)

133

Related posts

Leave a Comment