LARO NGAYON
(MALL OF ASIA ARENA, PASAY CITY)
10:30 A.M. – NU VS FEU
12:30 P.M. – UE VS ATENEO
4:00 P.M. – UP VS DLSU
HIHIGPITAN pa ang kapit sa tuktok ng lider na Ateneo at UP kontra sa magkaibang katunggali ngayon sa umiinit na UAAP Season 82 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hawak ang 1-2 position papalapit sa dulo ng first round, hangad ng Blue Eagles (5-0) at Fighting Maroons (4-1) na mapanatili ang kanilang kalamangan sa mga naghahabol na koponan sa pamamagitan ng krusyal na panalo ngayon.
Haharapin ng two-time champion Ateneo ang UE sa alas-12:30 ng hapon na susundan naman ng sagupaan ng Fighting Maroons at Green Archers sa alas-4:00 ng hapon.
Bago iyon ay magpapambuno muna ang NU at FEU sa unang laro sa alas-10:30 ng umaga.
Magsisilbi rin itong paghahanda ng Season 81 finalists na Ateneo at UP bago ang kanilang inaabangang rematch sa Linggo bilang huling laro ng first elimination round.
Bagamat paborito naman kontra sa kulelat na UE bunsod ng malinis na kartada nito, ayaw pakampante ng Katipunan-based squad ayon kay head coach Tab Baldwin.
“I’ve seen UE a couple of times. They’re dangerous like every team in the UAAP. They’ve had a good win, people think it’s a surprise win but I don’t think there are too many surprises in the UAAP this year,” aniya matapos ang 71-50 panalo nila kontra NU nitog nakaraang Linggo sa Antipolo.
Upang masiguro ito, aatasan ni Baldwin sina Ivorian center Angelo Kouame, Isaac Go, Adrian Wong, Matt Nieto at kapitan na si Thirdy Ravena.
Bibida naman sina Rey Suerte, Neil Tolentino, Harvey Pagsanjan at Alex Diakhite para sa Red Warriors na kagagaling langs sa dikit na 56-62 kabiguan kontra sa UP nitong Sabado sa Antipolo rin.
Para naman sa UP, hahangad ito ng ikaapat na sunod na panalo sa pangunguna nina Bright Akhuetie, Ricci Rivero, Jun Manzo, Javi Gomez De Liano at UAAP Player of the Week na si Kobe Paras.
Haharang sa kanila sina Jaime Malonzo, Aljun Melecio, Encho Serrano, Justine Baltazar at Andrei Caracut ng La Salle na kagagaling lang sa malaking 68-61 panalo kontra sa Adamson.
162