BABANGON SA KABIGUAN

MAKABALIKWAS sa pagkatalo ang kapwa pakay ng Blackwater at Barangay Ginebra sa magkahiwalay na pakikibaka ngayon (Miyerkoles) sa 2022 PBA Philippine Cup sa ­Araneta Coliseum.

Unang magsasagupa ang Blackwater at Rain Or Shine sa ganap na alas-3:00 ng hapon, na susundan ng laban sa pa­gitan ng Meralco at Ginebra sa ganap na alas-6 ng gabi.

Gigil makabawi si head coach Ariel Vanguardia at ang Bossing mula sa 107-110 loss kontra San Miguel Beermen noong Linggo.

Sisikapin naman ng Elasto Painters na sakyan ang momentum mula sa 96-86 win laban sa NLEX noong Sabado.

“Parang pareho namin sila, mga bata na may mix ng ­veterans,” obserbasyon ni Vanguardia sa makakalaban na RoS.

“And they also like a fast-paced game na tulad din namin.”

Hangad ng Blackwater (5-2 panalo-talo) na tapusin ang 11-game eliminations na may twice-to-beat advantage papasok sa quarterfinals. Ngunit alam ni Vanguradia na ‘di ito magiging madali lalo’t ‘buwis-buhay’ na ang RoS (2-6) upang makaahon mula sa pangalawa sa huli sa team standings, sa unahan ng wala pang panalong Terrafirma Dyip (0-8).

“Yung record nila doesn’t really reflect the way they play. Meron din silang mga close games and last game super din inilaro nila,” pag-amin ng ­Bossing coach. “Gusto nila takbuhan, gusto rin namin ‘yon. Pero against them, kailangan na mas patient kami, methodical.”

Samantala, kapwa target ng Gin Kings (6-2) at Bolts (4-3) na mapaganda pa ang kanilang kartada at makakuha ng two-game advantage sa pagtatapos ng All-Filipino eliminations. (ANN ENCARNACION)

67

Related posts

Leave a Comment