GILAS U19 MULING KINAPOS

kai55

(NI JOSEPH BONIFACIO)

MULING lumaban hanggang huli, pero kinapos muli ang Gilas Pilipinas youth team at sa pagkakataong ito’y tungo sa 77-72 pagkatalo sa kamay ng Argentina sa ikalawang araw ng 2019 FIBA U19 World Cup kahapon ng madaling araw sa Heraklion Arena sa Greece.

Buhat sa 15-22 deficit sa first period, hindi nawalan ng pag-asa ang Nationals nang makahabol, 51-58 papasok sa fourth quarter.

Pero, pagdating sa dulo ay tuluyan nang iniwan ng Argentinians, ranked no. 9, ang mga Pinoy, nang rumatsada ito ng 10-2 run upang makapagtayo ng komportableng 68-53 abante.

Sa pagkapit-bisig naman nina Kai Sotto, Dave Ildefonso at Gerry Abadiano, sumagot ang Gilas ng malaking 16-5 run upang makalapit, 69-73 sa huling 33 segundo.

Ngunit, hanggang doon na lang ang nagawa ng Gilas youth nang selyuhan ni Lucas Reyes ang panalo ng Argentina sa pamamagitan ng apat na sunod na free throws.

Dahil dito ay wala pa ring panalo sa 0-2 baraha ang 30th-ranked Nationals na nauna nang yumukod kontra sa Greece kamakalawa, 69-85.

Bumidang muli para sa Philippine youth team ang 7’2” na si Sotto na nagtala ng 17 puntos, walong rebounds at anim na blocks, ngunit kulang pa rin bunsod  ng krusyal na pagkawala ng twin tower tandem niyang si AJ Edu dahil sa ACL injury kontra sa Greeks sa una nilang laro.

Nagdagdag din ng 22 puntos, 10 rebounds at tatlong steal si Ildefonso habang may siyam na puntos, limang rebounds at dalawang assists si Abadiano.

Sa panig naman ng Argentina ay nanguna sa Reyes sa 15 puntos sa pambihirang 9-of-11 field goal clip sahog pa ang limang assists.

Nagdagdag din ng 18 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod sina Marco Giordano at Francisco Farabello para sa Argentina na tinalo din ang Russia, 86-84, kamalawa upang masolo ang tuktok ng Pool C hawak ang 2-0 kartada.

Magpapahinga ang Gilas youth ngayon bago sumalang ulit sa aksyon sa Miyerkoles kontra sa Russia sa hangaring maiskor na sa wakas ang una nitong tagumpay.

Matapos naman ang 83-75 panalo kontra Greece, tabla  na ngayon sa ikalawang puwesto ng Pool C ang world no. 19 na Russia at home team na Greece hawak ang parehong 1-1 baraha.

105

Related posts

Leave a Comment