HINDI na rin tuloy ang training camp ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz sa China at Taiwan.
Sa halip, sa Malaysia na lang niya itutuloy ang training dahil pa rin sa umiiral na travel ban bunsod ng 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease.
Ang naturang training camp ay parte ng preparasyon ni Diaz para sa Asian Championship sa Abril 16 hanggang 25 sa Kazakhstan, para sa kanyang inaasam na tiket patungong Tokyo Olympics.
Ayon sa 28-anyos na Pinay weightlifter, pinaplantsa na ng kanyang team ang mga detalye sa Philippine Sports Commission para sa kanilang target departure sa Pebrero 15.
“At the end of the day we just need to have an isolation training. This has been our slogan, that with good training, good rest and food, we expect a good performance in every competition,” giit ni Diaz.
Napilitan si Diaz at kanyang team na huwag nang ituloy ang training sa China dahil na rin sa health issue at travel ban.
Una nilang kinunsidera ang Taiwan, ngunit maging ito ay may pinaiiral na ban sa Chinese nationals dahil sa 2019 nCov.
Ang head coach ni Diaz na si Kaiwen Gao ay mula sa China.
“Syempre medyo affected kami sa coronavirus. Coach ko Chinese, total ban sa Taiwan, so hindi kami maka-training dun. Parang useless din kung pupunta kami dun without him. So we decided to go to Malaysia,” paliwanag ni Diaz.
Sa China at Taiwan din unang nag-training ang Pinay weightlifter bago niya nakuha ang gintong medalya sa 55kg women’s division sa 30th Southeast Asian Games.
Nito lang nakaraang buwan ay naka-gold medal din siya sa kaparehong kategorya sa 2020 ROMA World Cup in Italy.
Sa ngayon ay may natipon na siyang 3,632.0672 points at nasa No. 5 spot sa IWF ranking.
“Kailangan in every competition we need to prepare. May mga kailangan lang ng adjustment sa training. Kailangan mas high intensity ang training ngayon, malapit na yung Asian Championship,” ayon pa kay Diaz.