ILONG NG KAISPAR PINADUGO NI PACQUIAO

pac2000

PUKPUKAN sa ensayo sina Manny Pacquiao at Adrien Broner para sa kanilang 12-round WBA welterweight championship sa Enero 19.

Katunayan, nitong Sabado (Linggo sa Manila), tatlo ang kaispar ng fighting senator sa loob ng 10 rounds.

Dugo ang ilong ni Arnold Gonzales nang tamaan ng kaliwa ni Pacquiao.

Habang nakipagsabayan din sa Filipino ring icon sina Lydell Rhodes at George Kambosos Jr.

“Nakapagpahinga si Manny nang maayos, kaya magandang-maganda ang kundisyon niya sa isparing,” lahad ni chief trainer Buboy Fernandez.

Noong nakaraang Biyernes, maikli ang naging ensayo ng 40-anyos na si Pacquiao.

Habang nagmi-mitts sila ni Hall-of Fame trainer Freddie Roach ay napansin umano nina Fernandez at conditioning coach Justin Fortune na tila pagod si Pacquiao, dahilan para itigil ang ensayo at nagpasya silang pagpahingahin na lang ang boksingero.

“Malakas at mabilis naman ang kilos niya. Kaya lang medyo lubog yong mata at inamin niyang mabigat ‘yong katawan niya. So, nagdecide kami ni coach Justin na bigyan siya ng pahinga,” paliwanag ni Fernandez.

Maging si Pacquiao man ay nagpahayag nang hindi na gaya ng dati ang kanyang ensayo.

Ayon kay Pacquiao, dahil hindi na siya bata, nagpapahinga siya sa ensayo kung kinakailangan.

“Hindi na puwede ‘yung todo ensayo, pag tumatanda ka na kasi mahirap makarekober agad kapag napagod,” wika ni Pacquiao.

Ang Pacquiao-Broner fight ay gagawin sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas. (VTRomano) (Photo by Wendel Alinea/MP PROMOTIONS)

5

Related posts

Leave a Comment