Manny Pacquiao: Ang Alamat (Unang Bahagi)

Ni EDDIE ALINEA

ENERO 22, 1995 nang si Emmanuel “Manny” Pacquiao, na noon ay tumutugon sa pangalan niya sa ring na “Kid Kulafu,” ay ipinakilala sa ibabaw ng parisukat na lona para lumaban sa isang beteranong nagngangalang Enting Ignacio sa loob ng apat na round sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Patpatin at tumitimbang lamang ng 98 libra, kulang ng 8 libra para sa mababang timbang na 106 libra para sa junior flyweight, kinailangan ng bagitong si Manny, may taas lamang noon na 4 tampakan at 11 pulgada, na maglagay ng pabigat sa bulsa tulad ng maliliit na bato at barya para makuha ang tamang timbang.

Wala isa man sa mga nanood ng laban ang nakahula na si Kid Kulafu, na kinalaunan ay nakilala na sa pangalang Manny Pacquiao, ay mananalo ng kahit isang pandaigdig na ­kampeonato.
Ipinanalo ng batambatang tubong Kibawe, Bukidnon ang kaunaunahan niyang laban bilang pasinaya sa walong iba pang sumunod na pakikipagsuntukan, apat dito sa pamamagitan ng pagpapatulog bago niya nalasap ang una niyang mapait na pagkatalo via KO sa Lungsod ng Mandaluyong matapos umakyat sa flyweight division.

Si Manny Pacquiao ay hindi si Manny Pacquiao kung hindi siya nakababangon sa pagkakadapa. Kaya sa sumunod na 13 laban ay tuloy-tuloy siyang ­nagwagi mula 1996 hanggang 1998 kabilang ang 11 KO at TKO, kasama na ang walong round na pagpapatulog kay Charchai Sasakul ng Thailand na hinubaran niya ng titulo sa WBC flyweight.

Iyon ang unang pandaigdig na kampeonato ni Pacman na umakyat mula 106 libra tungo sa 113 libra bago ang nasabing laban sa Thai. Iyon din ang ­naging hudyat ng mahaba at madawag na paglalakbay niya mula sa dibisyon ng light-flyweight hanggang makarating sa super-welterweight.

Labindalawang taon ang ginugol ng ating si Manny bago humantong sa pinakamabigat na dibisyon niya, o dagdag na ­kabuuang 47 libra para sa 154-­librang kategorya.

Si Manny, kabiyak ng beauty queen at dating Bise Gubernador ng Sarangani na si Jinkee (dating Jamora), kung kanino siya may limang supling, ay dapat sanang nagdiwang ng kanyang ika-25 taong anibersaryo bilang prizefighter noong Enero 22, 2020.

Ngunit dahilan sa malaganap na COVID-19 pandemic, ang paggunita ng isang napakahalagang pagkakataon sa kanyang buhay at karera ay hindi naganap.

Ang seryeng ito ay sinulat ng inyong lingkod bilang handog kay Senador Manny Pacquiao, alang-alang sa ‘di ­makalilimutang bahagi niya sa kasaysayan ng palakasan dito sa bansa.

Una sa lahat, wala ni isa mang nilalang sa ibabaw ng lupa ang nakapaghari sa boksing ng mas maraming beses kaysa kay Manny, na nagawa ito sa walong dibisyon. Isang pambihira at ‘di inaasahang mauulit pa sa mga susunod na dekada sa kasalukuyang siglo.

Kung nakapagkampanya lamang si Manny sa junior-bantamwewight at sa super-bantamweight, malamang ay naghari siya sa 10 dibisyon pa.

Nilaktawan niya ang dalawang dibisyong nang umakyat sa junior-featherweight (super-bantamweight) kung saan niya nakamit ang kanyag ikalawang-dibisyong korona.

Sa lahat ng naging laban niya sa loob ng nakalipas na 25 taong pakikipagbasagan ng mukha ­laban sa sinumang humarap sa kanya, ang ama ni ­Emmanuel “Jimwell” Jr., Michael, Queennie, Princess at Israel ay ­nakapagtala na ng ­kabuuang 71 laban, ­nanalo ng 61 beses (39 dito ang KO) at pitong pakabigo. (May Karugtong)

82

Related posts

Leave a Comment