OLYMPIC SELECTION TIME: 4 PH SWIMMERS PASOK

(NI ANN ENCARNACION)

MAYROONG tsansang makapasok sa 2020 Tokyo Olympic Games ang apat ng Filipino swimmers makaraang sumampa ang naitalang oras nila sa Olympic Selection Time (OST-B).

Anim na buwan bago ang itinakdang Hunyo 29, 2020 na huling araw ng qualifying period, nakasilip ng pag-asang mag-qualify sa darating na Olympics ang national swimmers na sina Remedy Alexis Rule, Jasmine Alkhaldi, Luke Michael Gebbie at James Christian Deiparine.

Itinala ni Rule ang OST-B sa 200m Fly at 100m Free events, habang si Alkhaldi sa 50m at 100m Free events. Si Gebbie sa 50m at 100m Free events, habang si Deiparine sa 100m Breast events.

Unang nakamit ang Olympics “B” cut ni Rule sa itinalang 2:11.56 sa 200m Fly event sa TYR Pro Clovis Swim Series sa USA noong Hunyo.

Pinabilis nito ang kanyang oras sa 2:11.28 sa FINA World Championships sa Gwangju noong nakaraang Hulyo. Muli pa niyang naibaba ang kanyang oras sa 2:10.99 sa katatapos lamang na Southeast Asian Games upang maging unang Filipina tanker na nagtala ng 2:11 na marka sa event.

Ang Olympic Qualifying Time (OQT-A) sa Women’s 200m Fly event ay 2:08.43.

Sa ginanap na 30th SEA Games sa New Clark City, itinala ni Rule ang ikalawang OST-B sa women’s 100m Freestyle event sa oras na 55.80, mabilis sa 56.01 OST-B at malapit sa 54.38 OQT-A.

Si Gebbie ang ikalawang Pinoy tanker na nakapasa sa Olympics “B” Cut.

Noong Hulyo sa Gwangju World Championships, si Gebbie ang unang Filipino na nakalampas sa 50-second barrier sa men’s 100m Freestyle event nang magtala ng oras na 49.94. Ang  OQT-A sa event ay 48.57 segundo.

Nakamit nito ang ikalawang Olympics “B” Cut sa ginanap na SEA Games sa oras na 22.62 seconds sa men’s 50m Freestyle event at tinabunan ang naunang 22.67 OST-B, na mas malapit sa 22.01 OQT-A.

Sina Alkhaldi at Deiparine ay nagtala din ng Olympics “B” Cut sa nakalipas na SEA Games.
Ang two time Olympian na si Alkhaldi ay naorasan ng 25.48 segundo sa 50m Free para lampasan ang 25.51 OST-B (OQT-A is 24.77) at 55.76 sa 100m Free event.

Iniuwi ni Deiparine ang SEA Games gold medal sa men’s 100m Breast event sa kanyang OST-B na 1:01.46 oras at nilampasan ang 1:01.73 “B” cut, na malapit sa 59.93 “A” cut.

Ngunit hindi garantiya ang OST-B na awtomatikong magku-qualify na sa Tokyo Olympic Games. Kailangan ng swimmers na ma-hit ang Olympic Qualifying Time (OQT-A) para makapasok sa Olympics, at maging ranked 1st at 2nd sa national ranking sa kinaaanibang bansa.

128

Related posts

Leave a Comment