(NI VT ROMANO)
NAGSIMULA nang magpainit si eight division world champion at current WBA (regular) welterweight champion Manny Pacquiao sa kanyang paghahanda sa July 20 fight kay Keith Thurman.
Ito ay matapos sumalang sa unang sparring session ang Pambansang Kamao kontra kay Australian Tim Tszyu kahapon sa Elorde Gym sa Five E-Com, MOA complex sa Pasay City.
Si Tszyu, anak ng legendary boxer na si Kostya Tszyu ay dumating sa bansa nito lamang Lunes ng gabi mula sa Sydney, at sumabak na agad sa apat na rounds ng pakikipagbakbakan kay Pacquiao.
“He’s quick and he’s relaxed,” lahad ni Tszyu, unbeaten sa 13 fights (10 KOs).
Si Tszyu ang magiging sparring mate ni Pacquiao sa susunod na sampung araw pa, ayon kay condition coach Justin Fortune.
Nakatakdang umalis patungong Los Angeles si Pacquiao at ang coaching staff sa Hunyo 15 at itutuloy ang paghahanda sa Wild Card Boxing Club sa Hollywood, kung saan sina trainer Freddie Roach at matchmaker Sean Gibbons ay nakapili na ng sparring partners ng Pambansang Kamao pagdating doon.
Humanga rin si Pacquiao kay Tszyu at sinasabing sulit ang pagpapapunta sa Pilipinas ng Australian boxer.
Ayon kay Fortune, iba’t ibang kaispar ang makakasagupa ni Pacquiao pagdating sa Wild Card.
“This is the reason why I am getting him ready,” dagdag pa ni Fortune.
144