PBA PoW: BLACKWATER ROOKIE

BUMALIKWAS ng 360-degree ang Blackwater Bossing na matapos ang historic losing streak sa PBA ay may impresibong 4-1 win-loss card sa ongoing PBA Philippine Cup.

Matikas sa ikatlong puwesto ngayon ang Blackwater, sa likod ng nangungunang San Miguel Beer (6-1) at pangalawang Barangay Ginebra (5-1).

At dahilan ng pinakamagandang kampanya ng koponan ay ang team effort sa pangunguna ng kanilang freshman rookie na si Renato ‘Ato’ Ular.

Si Ular, second-round pick mula sa NCAA champion Letran Knights, ay malaki ang inaambag sa ­Bossing lalo sa dramatikong 90-89 victory kontra last season’s title contender Meralco noong

Huwebes. Kumamada siya ng 19 puntos at 15 rebounds na parehong ­conference high, at nagtala ng 7-of-13 mula sa field upang ­ungusan ang Bolts ­veterans na sina Raymond Almazan at Cliff Hodge.

Bunga nito, ang 6-foot-4 forward mula sa Tarlac ang napiling Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 2.

Siya ang unang rookie na nanalo ng PoW citation ngayong season. Unang nakagawa nito ay si Jamie Malonzo ng NorthPort sa huling Governors’ Cup.

Si Ular din ang unang Bossing na naging PoW, mula nang mapili si Ray Parks noong unang linggo ng 2019 Commissioner’s Cup, dahilan para lumaki ang tsansa niya sa Rookie of the Year plum.

“Lagi kong pinaghahandaan kapag may game. Sobrang aga ko lagi sa court, nagsu-shooting at gym…Kung pinaghahandaan man nila ako, mas pinaghahandaan ko sila,” sabi pa ng Bossing rookie, na tinalo sa weekly citation sina Mikey Williams ng TNT at CJ Perez ng SMB. (ANN ENCARNACION)

61

Related posts

Leave a Comment