(NI LOUIS AQUINO)
SA ikalawang sunod na taon at sa mga susunod pa, makakapiling na ng mga manlalaro at team officials ng Philippine Basketball Association (PBA) ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay sa araw ng Pasko.
Ito’y matapos magdesisyon si league commissioner Willie Marcial tapusin na ang tradisyunal na PBA game tuwing Disyembre 25.
Ayon kay Marcial, bagama’t malaking tulong sa PBA ang maraming manonood ng game kapag Pasko, espesyal at once-a-year na selebrasyon ang Pasko kaya’t marapat lang na ipagdiwang ito kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.
Ito ang dahilan kaya nagdesisyon ang liga na magkaroon ng dalawang linggong holiday break para sa selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.
Kaya ang Governors Cup semifinals sa pagitan ng Barangay Ginebra at NorthPort, at Meralco at TnT Katropa, kung hindi matatapos sa Dis. 22 ay itutuloy sa Enero 8 na.
Kapag nangyari ito, ang finals ay magsisimula Enero 22, 2020 na.
Huling nagkaroon ng Christmas game ang PBA noong 2017 Philippine Cup kung saan tinalo ng Brangay Ginebra ang Magnolia, 89-78, sa Philippine Arena in Bocaue, Bulacan.
160