(NI DENNIS IÑIGO)
TATAPUSIN lang ang Pasko ni International Boxing Federation super flyweight champion Jerwin Ancajas bago magsimula sa kanyang preparasyon para sa kanyang susunod na makakalaban sa 2020.
Magiging abala si Ancajas, na matagumpay na naidepensa ang kanyang titulo sa Mexico, sa susunod na taon kung saan inaasahang sasabak siya sa tatlong laban.
Sa ngayon, dahil Christmas holiday, nasa relax mode pa ang IBF champ at kanyang chief trainer na si Joven Jimenez sa Survival Camp sa Magallanes, Cavite.
Nakatakda silang pumunta sa Bukidnon at iba pang parte ng Mindanao, bago mag-Pasko kasama ang kani-kanilang pamilya.
Ngunit kinabukasan (Disyembre 26) ay agad nilang sisimulan ang preparasyon para sa susunod na laban ni Ancajas sa Marso 2020.
Ayon kay Jimenez, base sa pakikipagusap niya kay Sean Gibbons, presidente ng MP (Manny Pacquiao) Promotions, posibleng ang susunod na makakalaban ni Ancajas ay isang Japanese o Mexican challenger.
Tinalo ni Ancajas ang Chilean challenger na si Miguel Gonzalez sa pamamagitan ng 6th round stoppage noong Dis. 7 (Dis. 8, Philippine time) sa Puebla City, Mexico.
Lubhang na-impressed si Gibbons sa Panabo City pride kaya’t gusto nito na magkaroon ito ng tatlong laban sa susunod na taon, kabilang na ang unification title duel laban sa kasalukuyang champions sa ibang major boxing associations.
Ayon kay Ancajas, may nalalabi pang isang laban sa kanyang kontrata sa Top Rank Promotions, nakahanda siyang harapin kung sino man ang mapipili ni Gibbons na makakalaban niya.
170