WOLVES NILAPA NG WARRIORS

Ni VT ROMANO

UMISKOR si Stephen Curry ng 25 points para pangunahan ang paglampaso ng Golden State Warriors sa Minnesota Timberwolves, 137-114, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

May ambag pa si Curry na 11 rebounds at eight assists, habang si Draymond Green ay nagposte ng first double-double sa season, 19 points at 11 assists.

Unang pagkakataong nakapagtala ng tatlong sunod at ikalawang ‘away victory’ ang defending champ Warriors, ngayo’y may 11-10 win-loss at first time umakyat sa .500.

Nagpamalas ng determina-syon ang Warriors na bumalikwas sa nakadidismayang kampanya on the road nang magpasabog agad ng 17-0 tungo sa 47 ­first-quarter points at 20-point lead.

Papasok sa fourth, angat pa rin ang Warriors ng 20 ngunit sa pagtutulungan nina Timberwolves’ Anthony Edwards (26 pts) at Karl-Anthony Towns (21 pts) ay naibaba ito sa kalahati sa huling 5:31.

Kagyat bumawi ang Golden State, nagbaon si Curry ng three-pointer bago sinundan ni Klay Thompson, na may steal at isa pang 3-pointer para itulak sa 19 ang abante ng Warriors.

Anim na GS players ang may double figures kasama sina Thompson (21) at Jordan Poole (24 off the bench).

Susubukan ng Warriors ituloy ang ‘win momentum on the road’ sa pagdayo sa Dallas para sa Western Conference finals rematch sa Martes.

BLAZERS KUYOG
KINA KD AT CURRY

NAGTULONG sina Kevin Durant, 31 points, at Seth Curry, may season-high 29 off the bench, sa 111-94 win ng Brooklyn Nets kontra Portland Trail Blazers sa New York.

Si Curry, nakababatang kapatid ni Golden State Warriors superstar Stephen, ay 7-for-10 sa 3-point range at nakapagtala ng highest total sa Nets at highest para sa isang Brooklyn reserve ngayong season.

“I’ve always felt like if I get good shots I’m going to make them at a high clip,” lahad ni Curry. “Our offense was flowing pretty well. Guys found me open early on to start the game and I felt pretty good, aggressive.”

Nagdagdag si Kyrie Irving ng 22 points sa Nets, habang si Ben Simmons bagama’t may three pts lang ay humablot ng 12 rebounds at eight assists.

Umiskor naman si Jerami Grant ng 29 points para sa Portland, at si Jusuf Nurkic ay may 17 points at 14 rebounds. ­Nagdagdag naman si Anfernee Simons ng 15 pts at 14 mula kay Justice Winslow.

Wagi ang Nets sa apat sa kanilang huling six games, habang absent pa rin si Damian Lillard sa Blazers, nalasap ang ikalimang talo sa anim na laro.

Papasok sa fourth, angat ng apat ang Brooklyn nang pumuntos si Curry sa unang eight points ng team sa quarter.

Nag-free throw si Royce O’Neale at nadagdagan ang Nets lead, 93-87, at kasunod ng turnover ng Portland ay bumato ng tres si Curry para gawing siyam ang kanilang bentahe.

CELTICS’ BROWN
BIDA VS WIZARDS

HINABLOT ng Boston Celtics ang ikatlong sunod na W sa pagbibida ni Jaylen Brown (36 points), laban sa Washington Wizards, 130-121.

Si Malcolm Brogdon ay nakapag-ambag ng 17 points at tumapos si Derrick White na may 15 para sa Celtics, tungo sa ika-12 panalo sa huling 13 games. Ikalawang panalo rin ito ng Boston sa Washington, na olat naman sa huling tatlong laro.

Na-miss ni Celtics star Jayson Tatum ang unang laro sa season sanhi ng sprained left ankle, na hindi naramdaman ng kanyang team nang humataw ng 17-point halftime lead at umabot pa hanggang 26 puntos sa third.

NBA’s top-rated offense ngayong season, nagtala ang Boston ng 55% sa field, 16-of-24 sa 3-point line at 26-of-26 sa free throw line.

May 30 points naman si ­Bradley Beal at nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 21 para sa Wizards, hindi nakalaro si forward Lyle Kuzma sanhi ng lower back pain.

Bagama’t nakabalik sa lineup si guard Monte Morris mula sa three-game absence dahil sa pamamaga ng right ankle, hindi siya nakatulong sa opensa ng Blazers bench, na-outscore ng Celtics, 36-46.

KNICKS KAPOS
SA GRIZZLIES

SA kabila ng 30-point, nine-assist effort, sumablay si Jalen Brunson maisalpak ang dalawang importanteng attempt sa final seconds na naging daan sa 123-127 loss ng New York Knicks sa Memphis Grizzlies.

Maliban sa 10-for-30 shooting sa three-point area, lumaro nang todo ang New York sa ­pangunguna ni RJ Barrett, nagtala ng 22 points, seven boards at four dimes mula sa 18 shots, habang si Julius Randle ay kinapos lang ng isang assist para sa triple-double.

Nagposte si Ja Morant ng triple-double at iniskor ang go-ahead basket, 13.9 seconds sa laro upang iangat ang bisitang Grizzlies.

Inilista ni Morant ang 10 mula sa kanyang 27 points sa final 4:23. Mayroon din siyang ­career-high-tying 14 assists at 10 rebounds para sa una niyang ­triple-double mula noong Enero 28.

Nagsumite naman si Dillon Brooks ng 23 points, habang si Steven Adams, 16 points at 10 rebounds para sa Grizzlies na nakakadalawang sunod na panalo, habang dalawang sunod na talo ang Knicks.

Ipinoste ng Grizzles ang biggest lead, 93-81 mula sa alley-oop dunk ni Brandon Clarke, 6.8 seconds sa third quarter.

Naghabol ang Knicks sa fourth at bahagyang lumamang, 112-111 nang makahirit si Cam Reddish (11 points) ng 3-pointer sa huling 4:10.

Sa iba pang mga laro: Nagwagi ang Milwaukee Bucks sa Dallas Mavericks, 124-115; Philadelphia 76ers kontra Orlando Magic, 133-103; Cleveland Cavaliers vs Detroit Pistons, 102-94; Miami Heat vs Atlanta Hawks, 106-98; at Los Angeles Clippers vs Indiana ­Pacers, 114-100.

33

Related posts

Leave a Comment