PABORITONG PUNTIRYA NG MAFIA

HIGIT na kilala ang mga Pilipino sa sipag, husay at kakayahang umintindi at makapagsalita ng wikang banyaga. Katunayan, ito ang karaniwang basehan ng foreign employers sa pagpili ng mga Pinoy para magtrabaho sa ibang bansa.

Ang siste, ito rin pala ang mismong dahilan kung bakit ­puntirya ngayon ng mga miyembro ng Chinese mafia ang mga Pinoy na ­kanilang target iempleyo sa modus operandi ng kabi-kabilang pandedenggoy na nakakubli bilang call center sa bansang Thailand.

Sa pagsisiwalat ni Sen. Risa Hontiveros, lumalabas na palihim na ipinupuslit palabas ng Pilipinas ang mga walang-kamuwang-muwang na aplikanteng Pinoy para “makapagtrabaho” sa ­Thailand kung saan diumano nakabase ang operasyon ng naturang ­sindikato.

Pagdating sa Thailand, isasalang sa “call center” kung saan diumano sila nagtatrabaho bilang online scammer ng patok na ­cryptocurrency. Ang masaklap, pinaparusahan ang mga inaaliping Pinoy sa tuwing mabibigo silang makapandenggoy.

Alipin ba kamo? Tumpak, ayon kay Hontiveros, dahil wala na ngang sweldo, hindi pa pinapakain kapag hindi umabot sa quota ang naipasok na pondong galing sa pandodorobo.

At sa sandaling wala nang pakinabang, binebenta na lang ang mga inaliping Pilipino sa ibang kumpanya o ‘di naman kaya’y sa mga mayaman na tao – at muling babalik sa Pinas para ­manghikayat ng iba pa. Ganu’n lang nang ganu’n ang estilo sa mga nakalipas na panahon ng mga Tsino sa likod ng naturang sindikato.

Nakalulungkot na matagal na pala ang modus ng mga Tsino pero ngayon lang yata nabatid ng ating gobyerno.

Sa puntong ito, higit na angkop na pagtuunan muna ng ­pamahalaan ang punong dahilan kung bakit kailangan pang ­mangibang-bansa ng mga Pilipino.

Hindi kailangan pumatol sa alok na trabaho sa ibang ­bansa kung dito pa lang may makukuhang trabahong kalakip ang ­makatarungang antas ng sweldo.

178

Related posts

Leave a Comment