GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
NGAYONG taon, itinaas ng Social Security System (SSS) ang rate ng kontribusyon sa 15%, ang pinakamataas sa ilalim ng Social Security Act of 2018. Bagama’t iginiit ng gobyerno na mahalaga ang hakbang na ito para mapanatili ang pondo, maraming Pilipino ang naiwang nagtataka kung ito ba ay pasanin lamang o patas na reporma, lalo na sa mapanghamong kalagayan ng ekonomiya.
Aminin natin, masahol ang tiyempo nito. Nahihirapan na ang mga manggagawa sa pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin, at ang maliliit na negosyo ay halos hindi na makabangon mula sa aftershocks ng pandemya. Para sa mga empleyado, nangangahulugan ito ng mas kaunting take-home pay, na walang nakikitang agarang benepisyo. Para sa mga employer, ito ay isa pang karagdagang gastos na posibleng makaapekto sa mga desisyon sa pagkuha ng empleyado o maging sa katatagan ng trabaho.
Ang SSS ay nagbigay-katuwiran sa pagtaas na ito sa pamamagitan ng pagdiin sa pinansiyal na kalusugan nito. Anila, kung hindi ito ipatutupad, ang pondo ay maaaring maubos nang mas maaga, magreresulta upang walang matanggap na pera ang mga magreretiro sa hinaharap.
Sa papel, may katuturan iyon. Walang sinoman ang nagnanais ng isang sistema na babagsak kapag kailangan na nila. Pero huwag nating kalimutan kung sino ang maaapektuhan, mga ordinaryong Pilipino na kakaunti lang ang sahod.
Bukod dito, ang paliwanag ng gobyerno ay hindi angkop sa maraming tao. Sinasabi ng mga kritiko na may problema ang SSS dahil sa mahinang pamamahala at kawalan ng transparency. Sa halip na magbayad ng mas malaki ang mga miyembro, bakit hindi tumuon sa pagpapabuti kung paano pangangasiwaan ang pondo? Hinihiling pa nga ng ilang grupo ng mga manggagawa at mambabatas na itigil ang pagtaas o kahit man lang gawin itong mas mabagal, na tila patas dahil sa mahirap na sitwasyon ng ekonomiya.
Oo, sinasabi ng SSS na sa pagtaas na ito ay mapabubuti ang mga benepisyo at magpapahaba ang buhay ng pondo hanggang 2053. Iyan ay isang magandang pangako, ngunit ang mga pangako ay hindi nagbabayad ng upa at bumibili pagkain. At habang ang mga may mas mataas na kita ay maaaring hindi gaanong makaramdam ng kurot, taliwas ito sa mga manggagawang minimum lamang ang sahod at mga indibidwal na self-employed na nagbabayad ng buong 15% na kontribusyon. Nasaan ang hustisya riyan?
Madalas na sinasabi sa atin ng gobyerno na ang mga hakbang na ito ay “para sa ating sariling kapakanan.” Ngunit sa anong halaga? Sa mga ordinaryong mamamayan ipinapasan ang bigat ng mga reporma, habang ang mga sistematikong problema na nagdulot ng kaguluhang ito ay halos hindi matugunan. Sa pagtaas na ito ng kontribusyon ay maaaring makatipid ang SSS sa mahabang panahon, ngunit para sa maraming Pilipino, parang sila ang isinakripisyo.
Kung gusto ng SSS at ng gobyerno na patuloy na pagtiwalaan ng publiko, kailangan nilang gumawa ng mas mahusay na paraan sa pamamagitan ng pagtugon sa inefficiencies, pagbibigay ng tunay na suporta para sa mga pinaka-apektado, at pagpapatunay na ang mga pagtaas na ito ay hindi lamang para sa mas maraming pera. Ang pagtaas ng kontribusyon ay hindi solusyon kundi isang hindi patas na pasanin.
16