STUDENTS IANGAT SA MATH, SCIENCE

SA pagsulong ng inobasyon sa “new normal” at pagbagon ng bansa mula sa pinsala ng COVID-19 pandemic, dapat maging prayoridad ang pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa math at science, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Para kay Gatchalian na siyang chairman ng Senate committee on basic education, arts and culture, ang kakayahan ng mga mag-aaral sa math at science ay isang pundasyon sa inobasyon—isang mahalagang aspeto sa pagbangon ng bansa mula sa pangkalusugang krisis at paghahanda para sa anomang krisis na susuungin pa ng bansa sa hinaharap.

Matatandaang hindi naging maganda ang resulta ng 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), kung saan lumahok ang mga mag-aaral ng bansa mula sa ika-apat na baitang. Labing siyam (19) na porsyento lamang ang marunong ng basic math habang labing-tatlong (13) porsyento naman ang nagpakita ng limitadong kaalaman sa mga pangunahing konsepto at impormasyon pagdating sa science.

Sa isang workshop na inorganisa ni Gatchalian sa tulong ng non-government organization na Synergeia Foundation, lumalabas na kakaunti o kaya ay walang guro ang sanay na ituro ang lahat ng sangay ng isang subject.

Isinusulong ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act upang maiangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro.

Sa ilalim ng naturang panukala, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) upang maging mas maigting ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Ito ay upang maging magkaugnay ang edukasyon at pagsasanay ng mga guro mula sa kolehiyo hanggang sa sila ay sumabak na sa kanilang propesyon. (ESTONG REYES)

289

Related posts

Leave a Comment