DUDA ang pamilya ng isang retiradong pulis na nagpakamatay ito sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo sa kanilang bahay sa bayan ng Rizal sa Laguna, Miyerkoles ng madaling araw.
Batay sa report ng Rizal police, nagbaril umano ang biktimang si Vicentito Isles, 59-anyos, residente ng Barangay Tala.
Natagpuan ng mga kaanak ang suicide note sa tabi ng bangkay na may nakasulat na “pagod na ako, suko na ako, by Tito”.
Subalit duda ang mga kaanak dahil hindi sa loob kundi sa harap ng bahay natagpuan ang duguang biktima at tatlo ang tama nito ng bala sa bahagi ng baba, leeg at batok.
Napag-alaman din na ang biktima at isang bodyguard ay kasama nang tambangan ang dating board member ng Laguna na si Jeffrey Palce na pinagbabaril at napatay ng mga hindi nakilalang suspek habang patungo sa kanyang abogado sa San Pablo City.
Si Palce na residente rin ng bayan ng Rizal at isang piloto ay naging pangulo ng Councilors League ng Laguna at naupo bilang ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan.
Tumakbo itong mayor noong 2019 subalit natalo. Nagbabalak sana itong tumakbo muli ngayong 2022 bilang mayor ng Rizal.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang umano’y pagpapakamatay ni Isles. (NILOU DEL CARMEN)
