NATAGPUANG patay ang hepe ng Counter-Terrorism Division ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Raoul Manguerra makaraang umalingawngaw ang isang putok ng baril sa mismong opisina nito sa NBI-Main sa Taft Avenue, Ermita, Manila noong Lunes ng gabi.
Hindi na naisalba ng mga manggamot ng Manila Doctor’s Hospital ang biktima, 49-anyos, may live-in partner, residente sa #23 Wales Victoria Place, C. Raymundo Avenue, Brgy. Caniogan, Pasig City, dahil sa tama ng bala sa tiyan.
Ayon sa naantalang ulat ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-11:39 ng gabi nang mangyari ang insidente.
Nakiusap naman sa media si NBI Public Information Office chief Nick Suarez na huwag munang magbigay ng komento hinggil sa pagkamatay ni Manguerra habang iniimbestigahan pa ang kaso.
Una nang kinumpirma ni NBI OIC Director Eric Distor na si Manguerra ay nabaril sa tiyan noong Lunes ng gabi sa loob ng kanyang tanggapan.
Ayon naman kay Atty. Ma. Rosario Bernardo, live-in partner ni Manguerra, may stage 3 colon cancer ang biktima.
Samantala, malaking katanungan kung pinatay o nagpakamatay si Manguerra noong Lunes ng gabi.
Ito ang pagtutuunan ng pansin ng mga pulis ng Manila Police District (MPD) na may hawak ng kaso ng pinaslang na opisyal ng NBI.
Ito rin ang katanungang kailangang bigyan ng “totoong” kasagutan ng pamunuan ng NBI matapos isailalim sa “lockdown” ang buong compound ng ahensiya makaraang matagpuang may tama ng bala sa tiyan si Manguerra sa dakong alas-11:39 ng gabi noong Lunes sa loob ng bureau.
Agad itong itinakbo sa Manila Doctors Hospital (MDH) ngunit dakong alas-12:02 ng madaling araw ay idineklara ng mga doctor na patay na si Manguerra.
Ayon sa NBI deputy director at tagapagsalita ng ahensiya na si Atty. Ferdinand Lavin, magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang NBI alinsunod sa direktiba ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Ang utos ni Guevarra ay “exhaustibly examine all angles” ng krimen.
Hindi ipinaliwanag ni Lavin ang dahilan sa kagyat na pagsasara ng compound ng NBI matapos mangyari ang insidente.
Nakarating sa media na ‘posibleng’ nagbaril sa sarili si Manguerra dahil nasa stage 3 na ang kanyang colon cancer.
Ang naging palaisipan sa krimen ay ‘nagpakamatay si Manguerra sa pamamagitan ng pagbaril sa tiyan’.
Ang pagkakaalam ng mga beteranong police reporter, sa ulo o bunganga ipinuputok ang baril ng mga taong nagpapakamatay, batay na rin sa maraming kaso ng suicide na ibinabalita sa mga pahayagan. Ang iba naman ay nagbibigti.
Kahit sa pelikula ay ganyan ang senaryo sa pagpapakamatay at hindi ang pagbabaril sa tiyan. (RENE CRISOSTOMO/NELSON S. BADILLA)
182
