Sumalakay sa New Manila QCPD TAKOT SA PEKENG SWAT?

NAGING malaking palaisipan ngayon sa mga residente ng New Manila, Quezon City ang hindi pag-aresto ng mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) sa mga armadong kalalakihang umano’y sapilitang pumasok sa isang private property sa nasabing lugar.

Ayon sa nakalap na impormasyon, sapilitan umanong pinasok ng armadong grupo ang isang private property sa New Manila, Quezon City kung saan naroon ang 60 gwardyang nakabantay sa nasabing lugar.

Sa testimonya ng mga saksi, nakasuot umano ng uniporme ng SWAT ang mga pumasok na armadong kalalakihang pilit kinumpiska ang mga baril na gamit ng mga lisensyadong gwardya.

Anila, bukod sa pang-aagaw ng mga lisensyadong baril ng mga lehitimong gwardya, hinostage pa umano ng mga nagpakilalang SWAT ang ilan sa mga ito. Pinagbantaan pa anila ng mga ito ang iba pang saksi sa nasabing insidente.

Anila, agad nilang idinulog ang nasabing insidente sa QCPD. Gayunman, hindi man lang anila umaksyon ang nakatalagang mga pulis noong mismong araw na sila ay dumulog sa istasyon ng pulisya.

Bunsod nito, inilapit ng mga biktima ang kanilang hinaing sa tanggapan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na agad naman anilang umaksyon.

Bilang tugon, agad na inatasan ng alkalde ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), SOSIA at QC Legal Team na kumpiskahin ang mga baril na dala ng mga armadong kalalakihan.

Samantala, wala pa rin opisyal na tugon ang QCPD kaugnay sa nasabing paratang. Maging ang iba pang opisyal ng nasabing distrito, wala rin umanong alam sa nasabing insidenteng ipinaskil sa social media ng isang Bill Velasco, na isa palang kilalang personalidad sa larangan ng palakasan. (LILY REYES)

240

Related posts

Leave a Comment