PATAY ang isang sundalo habang pito pang kasamahan nito ang sugatan, kabilang ang dalawang opisyal, sa nangyaring bomb attack sa bayan ng Ampatuan, lalawigan ng Maguindanao
Ayon sa ulat na nakarating sa Philippine Army Headquarters mula sa Army 601st Infantry Brigade, isang roadside bomb na hinihinalang itinanim ng Dawlah Islamiyah o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang sumabog kasabay ng pagdaan ng military truck.
Agad na binawian ng buhay ang isang Army corporal kasunod ng pagsambulat ng improvised explosive device na itinanim ng teroristang
grupo.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade, binabagtas ng mga sundalo ng Philippine Army, sakay ng isang KM450 military truck, ang national road mula sa Barangay Salman Ampatuan, Maguindanao patungo ng Cotabato City.
Subalit pagsapit nila sa Barangay Labu-labu sa bayan ng Datu Hoffer, ay bigla na lamang may sumabog sa tabi ng daan.
Nabatid na dalawang Army officer ang kabilang sa pitong nasugatan na itinakbo ng mga kasamahan sa Maguindanao Provincial Hospital.
Gayunman, dahil sa malubhang tama ay agad na inilipat sa Camp Siongco Hospital. (JESSE KABEL)
187 