DPA ni BERNARD TAGUINOD
MAGANDA sanang subukan na buwagin ang political dynasties sa ating bansa dahil may mga pag-aaral na halos lahat ng mga probinsya at bayan na pinatatakbo ng iisa o iilang pamilya, ay lugmok sa kahirapan as in walang asenso.
May kasabihan na kung gusto mong mabago ang buhay mo, umalis ka sa nakasanayan mo at sumubok ng iba dahil hangga’t hindi ka umaalis sa comfort zone mo, roon lang iikot ang mundo mo at walang pagbabago na mangyayari sa buhay mo.
Kung talagang epektibo ang political dynasties dapat matagal nang asensado ang mga probinsya, bayan at bansa sa kabuuan pero ilang dekada na sila sa kapangyarihan ay laganap pa rin ang kahirapan, kagutuman at katiwalian sa ating bayan.
Hindi lang ako ang nakapapansin kundi napapansin ng lahat, na ang mga umaasenso lang sa buhay ay ang mga miyembro ng dinastiya at naambunan lang ng konti ang kanilang blind followers pero nagpapakamatay sila sa kanilang among politiko dahil sa konting biyaya.
Pero ang nasasakupan nila, hindi umaasenso kaya nakikipagsapalaran ang kanilang mga kababayan sa ibang lugar lalo na sa Metro Manila at ang iba naman ay mangingibang bansa para magkaroon ng maayos na pamumuhay kahit papaano.
Hindi ‘yan mangyayari kung talagang maayos at walang problema sa dinastiya, kaya marami ang gustong buwagin na ito pero sa kalagayan ng Kongreso ngayon na siyang gumagawa ng batas, suntok ‘yan sa buwan.
Sa Senado, apat na pamilya ang may dalawang miyembro, na kinabibilangan ng magkapatid na Cayetano, Villar, Tulfo at Estrada-Ejercito at ang iba naman ay may mga kaanak o kadugo ang nasa iba’t ibang posisyon sa kani-kanilang probinsya.
Huwag niyong kalimutan na ang pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay isa sa pinakamatandang political dynasty sa bansa at isama mo pa riyan ang pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong 2024, may isang pag-aaral naman na 75 percent sa district representatives ay mula sa political dynasties at may party-list representatives naman ang pakawala naman ng political families.
Lumabas din sa pag-aaral na 85 percent sa governors at halos 67 percent sa mayors ang kinokonsiderang dynasty dahil sa kanilang pamilya lang umiikot ang pamumuno sa kanilang bayan.
May pagkakataon din na kapag tinalo ng isang kandidato ang political family ay siya naman ang magtatayo ng dinastiya at kapag naestablisa na nila ang kanilang kapangyarihan ay hindi na sila maaalis sa puwesto at makikipagpatayan sila huwag lang mawala sa kanila ang naagaw na poder.
Kung talagang gusto ng Kongreso na gumawa ng enabling law na inuutos ng Saligang Batas ang pagbabawal sa political dynasty, gumawa na sila noong 2001 pa lamang nang unang ihain ang anti-political dynasty.
Pero wala silang balak, malinaw ‘yan! Dahil sino ba namang politiko ang gagawa ng batas laban sa kanila? Magkakaroon lang ng pag-asa ‘yan kapag nasuspinde ang saligang batas at magkaroon ng bagong Konstitusyon, kaya suntok talaga ‘yan sa buwan (sa ngayon)!
