PAGKATAPOS ng bangungot na dulot ng lintek na pandemya, panahon na para palakasin ang local government units (LGUs) at isulong ang mekanismong magbibigay daan para magkaroon ng Super Health Centers ang mga liblib na lugar at mga lokalidad na mayroong pinakamataas na populasyon ng maralita.
Sa nakalipas na dalawang taon, naranasan ng mga Pilipino ang pumila sa mga pagamutan. Nasaksihan din natin ang pagpanaw ng ilan nang hindi man lang nalapatan ng lunas ang kanilang karamdaman. Hindi rin maiwawaksi ang katotohanang hindi lahat ay may kakayahang bumayad sa mga ospital o bumili man lang ng gamot para sa kanilang dinaramdam.
May pagkakataon pa minsan, kailangan tumawid ng ilang bundok at ilog bago makarating sa kalsada kung saan maghihintay pa ng ilang sandali sa pag-asang may hihintong Samaritanong maghahatid sa mga pasyenteng agaw-buhay sa pinakamalapit na pagamutan.
Hindi rin naman karamihan ang mga pampublikong ospital. Sa datos ng Department of Health (DOH), mayroon lamang tayong 476 government hospitals, habang nasa 960 naman ang nasa ilalim ng mga pribadong pangasiwaan.
Dito na pumasok ang panukalang batas sa Senado kung saan isinusulong ang pagtataguyod ng Super Health Centers na magsisilbing takbuhan ng mga pobreng may dinaramdam.
Sa ilalim ng panukalang inakda ni Senador Bong Go, layong magtaguyod ng mas mataas na antas ng kapasidad sa serbisyo ng Super Health Centers na may sariling database management, out-patient, paanakan, isolation, x-ray, ultrasound, botikang nagbebenta ng gamot na abot-kaya sa masa, ambulansya, medical at surgical professionals, EENT, oncology, physical therapy, rehabilitation at telemedicine centers.
Ang totoo, walang hihigit pa sa kalusugan ng mamamayan. Walang maunlad na ekonomiya kung ang mga manggagawa’y hinang-hina. Walang bibong mag-aaral kung mas madalas pa silang nakaratay sa karamdaman. Walang gurong gabay sa eskwela kung madalas ay may sakit sila.
Sa mga panahong bawal magkasakit ang mamamayan, hindi uubra ang nakagawiang gamutang remedyo.
Ang pinakaangkop na tugon ng gobyerno – ilapit ang serbisyong kalusugan sa mga tao.
175
