SUSPEK SA GANG RAPE TIKLO SA PNP-PRO5 SA PAMPANGA

NAGWAKAS ang halos tatlong taong pag-iwas sa batas ng isa sa tatlong suspek sa panggagahasa sa noon ay 18-anyos na dalaga sa Malinao, Albay nang masakote ng mga tauhan ni PNP Regional Office 5 Regional Director PBGen. Jonnel C. Estomo sa San Fernando, Pampanga.

Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni P/BGen. Estomo, hindi nakapalag ang suspek na kinilalang si Hilario Buerer y Bon, Jr., residente ng Purok 4, Malinao, Albay, sa ikinasang law enforcement operation ng pinagsamang pwersa ng Malinao MPS at San Fernando, Pampanga Municipal Police Station.

Si Buerer ay inaresto ng mga awtoridad sa Transport Terminal sa siyudad ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga, dakong alas-siyete ng umaga noong Lunes.

Ito ay sa bisa ng alias warrant of arrest sa kasong rape na nakapaloob sa Article 266-A ng Republic Act 8353 o The Anti-Rape Law, na inilabas ng RTC Branch 15 sa Tabaco City, Albay noong ika-7 ng Enero 2020.

Ang suspek ay ikapito sa talaan ng most wanted persons ng nabanggit na bayan.

Batay sa police record, ang biktima ay inimbitahan umano ng suspek sa birthday party.

Tiwalang sumama naman umano ang biktima ngunit dinala siya sa isang elementary school, at kinaladkad ng suspek kasama ang dalawa pang sina alyas “Saul” at alyas “Rey” saka halinhinang ginahasa.

Makalipas ang ilang buwan ay nagdalantao ang biktima ngunit pinagbantaan umano siya ng mga suspek na papatayin kapag nagsumbong sa kanyang mga magulang.

Gayunman, nang lumaki na ang tiyan ay napilitang magtapat ang biktima sa kanyang mga magulang hinggil sa insidente.

Ang arestadong suspek ay nasa kustodiya na ng Malinao MPS.

Binigyan naman ng pagkilala ni PBGen. Estomo ang mga operatiba sa pagkakahuli ng suspek. Aniya, makakaasa ang publiko sa serbisyong nakikita at nararamdaman.

“Buo ang ating loob sa pagtupad ng ating hangaring linisin at tiyakin ang seguridad sa komunidad. Kami po ay hindi mag-aalangang tumawid na ilang probinsya upang madampot at dalhin ang hustisya sa mga nabiktima ng pang-aabuso at pangmomolestiya. Totoo kami sa aming sinumpaang tungkulin at iyan ang paulit-ulit naming ipapakita sa inyo,” dagdag pa ni P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)

205

Related posts

Leave a Comment