Ang isang bansang walang takot sa Diyos ay nahaharap sa pagkagunaw at kamatayan. Anumang talino ay hindi matatawag na katalinuhan bagkus ay pawang kapalaluan lamang kung hindi nag-uugat sa takot sa Diyos. Lubhang napakahalagang pag-aralan ang takot sa Diyos dahil dito umuusbong ang totoong katalinuhan at kaalaman. Maaaring itrato itong mala-siyensya bagama’t higit sa siyensya. Mismong konsensya ay kinikilala ang Diyos.
Napakaraming batas ng Pilipinas at patuloy na lumilikha pa tayo ng napakarami pang batas ngunit paulit-ulit na lamang na ang mga suliranin natin sa pamayanan na resulta ng krimen ay nagaganap sa ating kalagitnaan, maaaring lumalala pa nga. Mga nakakarimarim na krimen ay ibinabandera sa mga pahayagan, radio at telebisyon.
Nagiging inutil na ba ang mga relihiyon at hindi na mapasunod ang mga tao sa maayos na landas? Oras-oras ay may pinapaslang sa ating kalagitnaan. Marami ang pinapatay sa ngalan ng relihiyon. Ang terorismo, halimbawa na halimaw na nilikha ng dahas at pagpatay sa mga lahi at mga taong iba ang paniniwala ay kumikitil ng libu-libong buhay sa buong daigdig.
Ginagamit ang ngalan ng Diyos sa pagpatay, ang pangangailangan sa langis ay ginagamit upang yurakan ang karapatan ng mga tao sa kanilang sariling bansa, may bansang humihingi ng pagkilala ay gumagamit ng mga missile na pampuksa ng kapwa-bansa, pinapatay ang mga tribo dahil sa yaman ng kanilang lupain, dahil sa kasaysayan, dahil sa pagkakaiba ng paniniwala. Nabibilaukan na ang lupa sa walang katapusang pagdanak ng dugo.
Sa ating bansa na lamang mas nananaig ang kalakaran kaysa takot sa Diyos, animo’y hindi sila nakikita sa kanilang pinaggagagawa. Hindi nga ba?
Ang takot sa Diyos ang susi para sa isang maayos na bansa, isang kaaralan na dapat matutunan ng mga Pilipino at maisalin sa mga susunod na mga henerasyon ng Pilipino, upang maisaayos ang ating bansang matagal-tagal na ding pinagdamutan ng panahon. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
