PUNA ni JOEL O. AMONGO
MULI na namang maidaragdag sa magiging tambay ang mga nagtapos sa kolehiyo ngayong taon (2024) na hindi papalaring matanggap sa trabaho.
Kadalasan po kasi ang hinahanap at tinatanggap ng mga kumpanya sa bansa ay may karanasan o experience na sa trabaho.
Kung ganyan ang magiging patakaran ng bawat kumpanya sa Pilipinas, paano ngayon mabibigyan ng chance na makapagtrabaho ang bagong college graduates?
Base sa nakuha nating impormasyon, lalong tumaas ang unemployment rate sa bansa patungong 4.5% kasabay nang pagtindi ng underemployment rate sa 13.9% nitong Enero.
Mas mataas ang kawalang trabaho at underemployment ito kumpara noong Disyembre, na nasa 3.1% at 11.9% bago magtapos ang 2023.
Ang bilang ng unemployed individuals noong Enero 2024 ay tinatayang 2.15 million.
Mas mataas ito sa 1.6 milyong unemployed individuals noong Disyembre 2023.
Narito ang datos mula Enero 2024 Labor Force Survey: unemployment rate: 4.5%; walang trabaho (tambay): 2.15 milyon; employment rate: 95.5%; may trabaho: 45.94 milyon; underemployment rate: 13.9%; underemployed: 6.39 milyon; at labor force participation rate: 61.1%.
Kapuna-PUNAng tumaas ang underemployment sa pagpasok ng 2024, o ‘yung porsyento ng mga manggagawa’t empleyadong naghahanap ng karagdagang oras sa trabaho o ‘di kaya’y dagdag trabaho.
Ayon pa sa gobyerno o Philippine Statistics Authority (PSA), ang underemployment rate noong Enero 2024 ay nakapagtala ng 13.9 percent.
Posibleng maidagdag pa sa mga tambay ang libo-libong mga bagong nagtapos sa kolehiyo na posibleng hindi matatanggap sa trabaho.
Kadalasan pa man ding ang hinahanap ng mga kumpanya ay ang may mga experience o karanasan na sa trabaho.
Paano magkakaroon ng karanasan o experience ang mga bagong nagtapos ng kolehiyo?
Karagdagan pa riyan ang mga nagtapos ng senior high school na hindi na nagtuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.
Kaya ang nangyayari kada taon ay tumataas ang bilang ng mga tambay dahil naidaragdag sa kanila ang mga nagtapos sa kolehiyo na hindi nakapagtatrabaho dahil sa patakaran ng mga kumpanya na ang tinatanggap lamang ay may mga karanasan o experience.
Dapat makagawa ng aksyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mabago ang mga patakaran ng mga kumpanya na may experience ang hinahanap o tinatanggap na mga empleyado.
oOo
Para sa sumbong o suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
