TAPYAS-PRESYO INIUTOS KONTRA ‘KICKBACK’

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pitong ahensya ng gobyerno na tapyasan ng hanggang 50 porsyento ang presyo ng mga public infrastructure project para masugpo umano ang korapsyon sa paggamit ng pondo ng bayan.

Kasunod ito ng kautusan ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpatupad ng cost-cutting measures sa mga proyekto. Ngayon, pinasunod na rin niya ang DepEd, DA, DILG, DOH, DOTr, at NIA sa kaparehong “pricing system” ng DPWH.

“Ang kalidad ng proyekto, hindi isasakripisyo. Ang tanging hihina rito ay korapsyon,” diin ni Marcos.

Ayon sa Pangulo, dapat tiyakin ng gobyerno na bawat pisong pondo ay mapupunta sa mga proyektong may tunay na pakinabang para sa mamamayan.

“We continue to cleanse our bureaucracy of corruption because only a transparent government can build a fair economy,” ani Marcos.

Matatandaang bago bumiyahe si Marcos sa Malaysia noong Oktubre 25, inatasan na niya ang DPWH na bawasan ang construction material costs ng hanggang kalahati. Aabot umano sa P30 hanggang P45 bilyon ang matitipid na ilalaan sa mga programang pangkalusugan, edukasyon at pagkain.

“The savings we secure will go where they matter most — to uplift families, support livelihoods, and strengthen communities,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin pa niya na ang pagbabawas sa presyo ng proyekto ay hindi magdudulot ng mababang kalidad, kundi magpapahina sa katiwalian.

“This is the accountability that our citizens deserve,” pagtatapos ni Marcos.

(CHRISTIAN DALE)

55

Related posts

Leave a Comment