Tokyo Olympics, maging daan sana sa pagkakaisa ng mga Pilipino – Ramirez

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG
Ni EDDIE ALINEA

MAAARING bigong makatuntong sa podium ang Pilipino pole vault Olympics qualifier Ernest John Obiena sa pagtatapos ng kanyang paghahanda sa XXXII Games of the Olympiad ilang araw lamang ang nakalilipas, ­subalit sapat na ang karagdagang karanasang nakamit niya sa nakaraang 2021 Stockholm Diamond League para lalong mabuo ang kanyang kumpiyansang makapag-uwi ng medalya sa tuwing ika-apat na taong palaro.

Pang-apat na puwesto lamang ang tinapos ng 25-anyos na si Obiena sa nabanggit na kompetisyon pero naging dahilan ito para umakyat siya sa pang-anim sa World ­Athletics Men’s Pole Vault Rankings tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago magsimula ang Olimpiyada.

Bago magsimula ang 2021 athletics season, pang-10 na ang batang Barrio Obrero sa Tondo na ikinatuwa ng kanyang inang si Jeanette, dating top notch hurdler noong kapanahunan niya.

“Laging sinasabi ni EJ na walang halaga sa kanya ang medalyang napanalunan niya sa mga kompetisyong nilahukan niya kumpara sa experience na makukuha niya at ang mapataas ang kanyang world ranking,” ani Jeanette nang makausap ng SAKSI NGAYON kahapon.

“No. 6 in the world is no. 6. Malaking bagay yun, lalo’t ang tinalo mo ay champion. An Olympic champion at that,” bulalas ni Jeanette, na ang tinutukoy ay si 2016 Rio de Janeiro Games gold medalist Thiago Braz ng Brazil.

Dalawang beses tinalo ni EJ si Braz sa tuwing maghaharap sila sa kompetisyong kapwa nila sinalihan at dahil dito ay nalampasan na ng anak ng dati ring pole vaulter na si Emerson si Braz, na bumagsak sa pampito sa daigdig.

Ang paboritong si Armand Duplantis, nagmamay-ari ng world record kapwa sa indoor at outdoor, ang siyang tinanghal na numero uno sa ranking. Hawak niya ang mga rekord na 6.18m (indoor) at 6.15m (outdoor). Si Obiena ay may personal best na 5.87m.

Ang men’s pole vault competition sa Olympics ay sisimulan sa Hulyo 31.

Ikinasiya ni Philippine Sports Commission chair Butch Ramirez ang mga magagandang balita tungkol sa performance ng 19 atletang kakatawan sa Pilipinas sa ika-32 edisyon ng Olimpiyada na aniya’y nagbigay ng malaking pag-asa sa bansa na makahakot ng ilang medalya.

“I’m so excited for the result of the hard work of the athletes, coaches, and NSAs on this journey to Tokyo Olympics in this pandemic,” pahayag ni Ramirez nang maging panauhin sa programang PSC Hour ng Radyo Pilipinas Dos. Tiwala umano siya sa kakayahan ng ating mga atleta na makapag-uwi ng gintong medalya matapos ang 96 taong kabiguan nito.

Pinasalamatan ng dalawang beses naging hepe ng ahensya ang lahat ng mga atleta sa dedikasyon at sakripisyong ipinakita nila para makamit ang karangalang matawag na Olympian. “Yung makarating ka lang ng Olympics, parang nanalo ka na rin ng gold. It’s priceless to be in an international competition lalo na sa Olympics.”

“Yes, we have a strong chance na makakuha ng gold medal this time,” aniya. “Naniniwala akong may medalya tayo sa Tokyo Olympics. At malamang hindi lamang isa o dalawa, meron pa tayong gold, silver at bronze medals.”

Masaya rin ang PSC boss sa paglusot ng mga baguhang atleta. “Hindi naman kailangan na umabot ka ng 12 years para magka-medalya ka sa Olympics. Depende talaga sa talento, coaching, exposure, serendipity, at panahon, maraming factors yan.”

Ang 19-kataong pambansang delegasyon ay pangalawang pinaka-malaki na ipadadala ng bansa sa Olimpiyada mula noong 2000 Sydney edition. Kabilang sa kanila sina Carlos Yulo (gymnastics), Eumir Felix Marcial (boxing), Irish Magno ­(boxing), Nesthy Petecio ­(boxing), Carlo Paalam (boxing) at U.S Open golf champion Yuka Saso.

Kasama rin sina Rio silver medalist Hidilyn Diaz (weightlifting), Cris Nievarez (rowing), Kurt Barbosa (taekwondo), Margie Didal (skateboarding), Elreen Ando (weightlifting), Jayson Valdez (shooting), Juvic Pagunsan (golf), Kiyomi Watanabe (judo), Kristina Knott (athletics), Bianca Pagdanganan (golf), Luke Gebbie (swimming), Remedy Rule (swimming), at Obiena.

Umaasa naman si Ramirez na ang kampanya ng bansa sa Olympics ay maging dahilan ng pagkakaisa ng mga Pilipino. “Sana makatulong sa environment ng Pilipinas. Hopefully, we can unite them. Sana magkaisa ang mga Pilipino dahil sa mga atleta.”

“I encourage everyone to offer some prayers for our ­delegation. We need your prayers and your cheers. Win or lose helps us. Sana mamayagpag ang atletang Pilipino.” sabi pa ni Ramirez.

166

Related posts

Leave a Comment