Too busy sa tambalang Go-Duterte CUSI INUPAKAN SA POWER RATE HIKE

MULING pinatikim ng matinding batikos ng isang mambabatas mula sa Kamara si Energy Secretary Alfonso Cusi bunsod ng nakaambang panibagong pagtataas ng singil sa kuryente ngayong buwan.

Ani Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, mas binigyan pa umano ng panahon at atensiyon ni Cusi ang pagsusulong sa tambalang Go-Duterte para sa 2022 presidential elections kaysa sa nakaumang na power rate hike ngayong buwan.

“Nauna pang pangunahan ni Sec. Cusi ang pag-endorse sa Go-Duterte tandem kaysa sa paglalahad ng konkretong plano para matigil ang pagtaas ng singil sa kuryente,” ani Brosas sa isang pahayag, bilang reaksyon sa napipintong dagdag singil sa kuryente.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil ngayong Agosto ay magiging P9.0036 ang bentahan ng kuryente kada kilowatt hour mula sa dating P8.9071/kwh.
Nangangahulugan aniya ito na madagdagan ng P19 ang total bill ng mga residential consumers na nakakakonsumo ng 200 KWh kada buwan.

Sa gitna ng anunsyo, nananatili pa rin aniyang walang aksyon ang kalihim.

“Kapag usapin ng pangangampanya para sa PDP-LABAN, mabilis pa sa alas-kwatro magpakitang-gilas si Sec. Cusi,” ayon pa sa mambabatas hinggil sa pangulo ng PDP-Laban.

Magugunitang kamakailan lang ay nagpasa na ng resolusyon ang grupo ni Cusi para gawing standard bearer ng partido si Senador Bong Go, na higit na kilala bilang alalay ng pangulo noong ito’y alkalde pa lamang ng Davao City. Bukod kay Go, isinusulong din umano ni Cusi at ng mga kasama nito sa partido ang kandidatura ng pangulo bilang runningmate ng senador sa 2022 presidential election.

Ani Brosas, hindi makatarungan na mas inuuna ni Cusi ang pulitika at pansariling kapakanan nina Go at Duterte kesa sa consumers na mas nalugmok pa dahil sa pandemya.

“ECQ na naman, pero ang bumungad sa atin hindi pagbaba ng kaso ng COVID-19 pero pagtaas ng singil sa utilities at iba pang gastusin. Ang masaklap pa nito, parang walang plano ang gobyerno para maalwan ang mga Pilipinong baon na baon na sa utang dahil sa krisis,” dugtong pa ni Brosas.

Hamon ng mambabatas kay Cusi, asikasuhin muna ang interes ng mamamayan dahil sinasahuran siya ng publiko imbes na ubusin ang oras nito sa tambalang Go-Duterte.

“Wala nang makain ang mamamayan dahil sa kawalan ng trabaho at hanapbuhay, babagsakan pa sila ng isa pang malaking problema sa pagbabayad ng kuryente.

Imbes na pagtuunan ng pansin ni Duterte at Cusi ang pangangampanya at away-pulitika sa loob ng kanilang partido, dapat gawing prayoridad sa kagyat ang pagbibigay ng ayuda sa mga Pilipino,” pagwawakas na niya. (BERNARD TAGUINOD)

137

Related posts

Leave a Comment