TOP JOBY AGENCY TINATAWAGAN NG PANSIN

SA gitna ng patuloy na pakikibaka ng mga overseas Filipino worker (OFW) para sa mas maayos na kinabukasan, isang bagong kaso ng pang-aabuso at kapabayaan ang muling umalingawngaw.

Kinilala ang OFW na si Anna Rose Diaz, 33-taong gulang, tubong Sta. Maria, Bulacan, at kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia bilang isang domestic worker. Dumating siya sa Saudi noong Agosto 8, 2025 sa pamamagitan ng lokal na ahensyang Top Joby Agency Inc. at foreign agency na Worldwide Agency.

Ngunit sa halip na makahanap ng maayos na hanapbuhay, isang bangungot ang kanyang naranasan. Ayon kay Diaz, ibinalik siya ng kanyang unang amo sa agency matapos lamang ng 13 araw. Subalit muli siyang ipinasa sa panibagong amo, kung saan tumagal lamang siya ng 3 araw bago rin ibinalik.

Mas malala, ikinuwento niya na muli na namang bumuka ang tahi mula sa kanyang caesarean section (CS) operation, dahilan upang magdugo. Sa kabila ng kanyang kalagayan, hindi umano siya pinayagang umuwi at sa halip ay tinangka pang ibenta sa panibagong employer.

“Gusto ko na pong makauwi. Hindi ko po kinayang magtrabaho dahil bumuka ang tahi ko. Galit ang agency dito sa Saudi, binantaan akong papatayin kung hindi ako magtrabaho. Ayaw po akong pakainin at pinabayaan sa accommodation,” panaghoy ni Diaz mula sa kanyang tinutuluyang agency shelter sa Riyadh.

Dagdag pa niya, maging ang agency niya sa Pilipinas ay tila walang pakialam: “Sabi daw po hayaan na lang akong mabulok dito.”

Sa ngayon, tanging ang kanyang kapatid na si John Rey Diaz ng Sta. Maria, Bulacan ang kumakapit at nananawagan ng tulong sa pamahalaan at sa iba’t ibang samahan ng OFW upang masigurong ligtas na makauwi si Anna Rose bago pa lumala ang kanyang kondisyon.

Muli, isinusumamo ng kasong ito ang kahalagahan ng mas mahigpit na regulasyon sa mga recruitment at foreign agencies na nagpapadala ng mga kababayan natin sa ibang bansa, lalo na yaong may existing medical conditions.

Si Anna Rose Diaz ay isa lamang sa libo-libong Pilipinong babae na nagbabakasakali ng magandang buhay sa abroad, ngunit madalas ay nasasadlak sa panganib at pang-aabuso.

Ngayong nasa bingit ng kapahamakan ang kanyang buhay, malinaw na kinakailangan ang agarang aksyon mula sa Department of Migrant Workers at OWWA upang mailigtas siya at makabalik nang ligtas sa Pilipinas.

168

Related posts

Leave a Comment