CLICKBAIT ni JO BARLIZO
WALANG magaganap na power interruption ngayong panahon ng tag-init, sa kabila ng gulo sa Middle East. ‘Yan ang paniniyak ng Department of Energy (DOE) at Meralco.
Dapat naman talaga, kahit sabihin pang “more fan in the Philippines” ay iba pa rin ang buga ng hangin mula sa pamaypay kumpara sa galing sa electric fan.
Heto pa isang good news, ang kauna-unahang rollback sa presyo ng produktong petrolyo simula nang sumiklab ang giyera sa Middle East.
Nitong Martes ay nagbawas ng P4.43 sa gasolina at P20.89 naman sa diesel.
‘Yun nga lang, sa kabila ng rollback, hindi niyan basta-basta mapapababa ang presyo ng mga produkto.
‘Yan ang ilan sa mga balita na may bahid ng katotohanan, hindi peke kaya tanggapin na lang at paghandaan.
Mapadpad tayo sa fake news. Sumulat na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Presidential Communications Office (PCO) kay Meta CEO Mark Zuckerberg hinggil sa patuloy na pagkalat ng fake news sa platform, gaya ng maling impormasyon tungkol sa presyo ng langis, suplay ng kuryente, at mga pekeng balita sa kalusugan ng ilang matataas na opisyal na nagdudulot ng panganib sa kaayusan ng publiko at ekonomiya ng bansa.
Ang mga nasabing aktibidad ay maaaring saklaw ng Article 154 ng Revised Penal Code at ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Isang krimen nga naman ang pagkakalat ng fake news. Ayon sa Section 18, Article 154 ng R.A. 10951, ang sinomang napatunayan na nagkakalat ng pekeng balita ay maaring makulong ng hindi bababa sa anim na buwan at magmumulta ng PHP 40,000 hanggang PHP 200,000.
Ganun naman pala. Bakit pa hihilingin ng pamahalaan sa Meta na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang laban sa disimpormasyon o ang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon?
Eh kasi, sa totoo lang, ang Facebook ngayon ang itinuturing na pugad ng fake news. Araw-araw ay sangkaterbang AI o minanipulang video at litrato ang kumakalat diyan bukod pa sa mga balita kuno.
May malaking papel ang media laban sa mga pekeng balita, ngunit sa ilang sitwasyon at kondisyon ay sinisira ng nagpapalaganap ng maling ulat ang totoong balita na pinabubulaanan ang misimpormasyon.
Minsan, kundi man madalas, ang tunay na nagtutuwid sa mga maling ulat ay siya pang pinagdadamutan ng tiwala.
Maraming Pilipino ang itinuturing na seryosong problema ang pagkalat ng fake news sa internet, ayon sa isang survey.
Lumabas din sa survey na maraming Pilipino ang nahihirapang malaman kung alin ang totoong balita at fake news sa iba’t ibang media platform.
Siguro kailangan ng ‘sampol’ para matutong mag-ingat ang publiko. Kailangan ipatupad nang diretso ang mga batas, hindi lalamya-lamya. Agad parusahan ang mga nagpapakalat ng panlilinlang sa publiko pero dapat tiyaking paiiralin ito sa lahat at hindi sa mga kritiko lang ng estado.
106 