ITINANGGI ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyon ng China na “cyanide stunt” lamang ang ulat tungkol sa mga nakumpiskang kemikal sa Ayungin Shoal.
Nauna nang sinabi ng Chinese Embassy in the Philippines na walang kredibilidad ang claim ng Pilipinas hinggil sa umano’y cyanide na natagpuan sa mga Chinese sampans.
Ngunit ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea na si Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang mga aksyon ng militar ay nakabatay sa scientific evidence at hindi gawa-gawa.
Aniya, halos isang taon ang ginugol upang makumpirma sa chemical analysis na cyanide ang laman ng mga dilaw na bote na narekober ng Philippine Navy.
Iginiit ng AFP na ang kanilang operasyon ay bahagi ng mandato na protektahan ang soberanya ng bansa at ang kalikasan sa West Philippine Sea.
Babala pa ni Trinidad, bukod sa pinsala sa ecosystem, delikado rin ang paggamit ng cyanide sa kaligtasan ng mga mangingisda at maging sa mga sasakyang pandagat.
Kaugnay nito, ipinaubaya na ng AFP sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang paghahain ng kaukulang diplomatikong aksyon, habang patuloy ang pagbabantay sa teritoryo ng bansa.
(JESSE RUIZ)
118 