DOE SEC. GARIN PINAGBIBITIW NG TRANSPORT GROUP

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG wala rin lang magagawa si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay mas makabubuti na magbitiw na lamang siya sa kanyang pwesto.

Si Garin ang itinurong nagsabi na wala pa ring krisis sa langis sa bansa kahit mahigit sa isang daang piso na ang kada litro ng diesel matapos pumutok ang giyera sa Gitnang Silangan.

Matatandaan na mula P50 hanggang P60 lang ang kada litro ng diesel bago magsimula ang giyera sa Middle East.

Sa DOE na mismo nanggaling na may 50 hanggang 60-days stock ang oil companies ng kanilang mga produktong petrolyo.

Inamin din ni Garin na old stock o inventory pa ang ibinebenta ng oil companies sa kanilang mga kustomer ng mahigit sa isang daan piso kada litro ng diesel.

Dahil sa pagsasabing walang krisis sa langis ni Usec. Claire Castro ay nagalit si Senator Loren Legarda, dahil tila balewala sa mga opisyal ng gobyerno ang kinahaharap na problema ng bansa.

Sinegundahan din ni Sen. JV Ejercito na sobrang mabagal ang pagtugon ng BBM admin sa krisis sa langis.

Isiniwalat naman ni Senator Rodante Marcoleta na kumikita ng mahigit sa 3 bilyong piso kada araw ang mga kumpanya ng langis matapos na pumutok ang giyera sa Middle East dahil sa sobrang taas ng patong ng mga ito sa kanilang mga produktong petrolyo.

Kapuna-PUNA rin na sa tuwing nagsasalita si Garin sa mga pagdinig ay hindi direktang sinasagot nito kung bakit agad nagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang oil companies, sa kabila na ang ibinibenta ng mga ito ay pawang mga old stock pa.

Lagi umanong itinuturo nito na walang kontrol ang gobyerno sa produktong petrolyo dahil sa ‘oil deregulation law.’

Samantala, sa isinagawang pagdinig sa Kamara kamakailan, sa pagtatanong ng ilang kongresista kay Garin kung may overpricing sa langis sa bansa, ay tahasang sinabi nito na “walang overpricing” sa mga produktong petrolyo.

Pagkatapos ng pagdinig sa House of Representatives ay nagsalita si Garin sa media na kanyang paiimbestigahan ang oil companies sa posibleng sabwatan ng mga ito.

Dahil dito, sinabi ng transport group na dapat nang umalis si Garin sa DOE dahil walang maaasahan sa kanya ang mga Pilipino.

Nausisa rin si Garin ni Senator Imee Marcos dahil sa Department Order ng DOE, na 2-days lang ang pasok ng kanilang mga empleyado sa loob ng isang linggo.

Sinabi pa ni Sen. Imee na walang ‘urgency’ sa katawan ang mga taga-DOE.

Kung palpak ang pinuno ay palpak din ang kanyang mga tagasunod, ganyan ang nangyayari ngayon.

Marahil pinaninindigan ni Garin ang sinabi ni Usec. Castro at siya mismo, na ‘walang krisis sa langis at walang overpricing’ sa mga produktong petrolyo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

94

Related posts

Leave a Comment