TRANSAKSYONG LUBIANO-ESCUDERO NAGSIMULA NOONG 2019 – LAWYER

PASAY CITY — Dalawang linggo matapos magsampa ng ethics complaint laban kay Senador Francis “Chiz” Escudero, nagsumite si Atty. Eldridge Marvin Aceron ng Omnibus Motion sa Senate Ethics Committee na naglalantad umano ng transaksyunal na ugnayan sa pagitan ni Escudero at ng kontratistang si Roberto Lubiano mula pa noong gobernador pa ng Sorsogon si Escudero (2019–2022).

Ang mosyon ay inihain sa gitna ng pansamantalang pagtigil ng Senado sa pagdinig hinggil sa flood control scandal, habang nagpapatuloy naman ang closed-door hearings ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Batay sa mga pampublikong rekord, habang gobernador pa si Escudero, nakuha ng kompanya ni Lubiano—ang Metroways Health Care and Medical System—ang ilang kontrata ng pamahalaan noong 2021.

Mula Disyembre 2021 hanggang Mayo 2022, nagbigay umano si Lubiano ng ₱30 milyon bilang donasyon sa kampanya ni Escudero sa Senado.

Pagkatapos nito, mula 2022 hanggang 2025, ang isa pang kompanya ni Lubiano—ang Centerways Construction—ay nakakuha ng ₱16.67 bilyong halaga ng mga kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), karamihan ay sa Sorsogon.

Ayon kay Aceron: “Hindi ito simpleng kaso ng politikong tumanggap ng donasyon mula sa kaibigan, tapos ay nagkataong nanalo ng kontrata ang kompanya ng kaibigang iyon. Ito ay kaso kung saan nanalo na ng kontrata ang kontratista sa ilalim ng pamunuan ng gobernador, nagbigay ng ₱30 milyon sa kampanya nito, at pagkatapos ay nanalo pa ng bilyon-bilyong kontrata nang maging senador ang nasabing gobernador.”

Batay sa pahayag ni COMELEC Chairman George Garcia noong Oktubre 8, 2025, nagsumite si Sen. Escudero ng affidavit kung saan sinabi niyang “pinaniwalaan” niyang mula sa personal na pondo ni Engr. Lubiano ang ₱30-milyong donasyon at tinanggap ito “bilang tanda ng pagkakaibigan.”

Ngunit iginiit ni Aceron: “Kaya ko idinokumento ang ₱35,070,000 accounting discrepancy sa financial records ng Centerways dahil hindi ito tumutugma sa affidavit ni Escudero. Hindi sapat ang depensang ‘I trusted my friend’ sa ilalim ng RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).”

Batay sa rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC), tatlong bersyon ng 2022 Annual Financial Statements ang isinumite ng Centerways Construction: Noong 2023, ipinakita ang retained earnings na ₱315,146,828.

Noong 2024, binago ito sa ₱280,076,828.

Noong 2025, nanatili ang parehong restated figure.

Ibig sabihin, nawala ang ₱35,070,000 sa pagitan ng unang at pangalawang filing — sa parehong panahon kung kailan ibinigay ang ₱30-milyong donasyon — nang walang paliwanag alinsunod sa Philippine Accounting Standards (PAS).

Ibinunyag din ng Omnibus Motion na 91% ng Metroways Health Care and Medical System, Inc. ay pagmamay-ari ni Lubiano.

Batay sa mga rekord at dokumentasyon sa social media, nakakuha ang kompanya ng mga kontrata ng pamahalaan noong kasagsagan ng pandemya habang gobernador pa si Escudero.

“May direktang kaalaman si Senador Escudero sa mga kontratang napanalunan ni Lubiano dahil sa panahon ng kanyang pamumuno sa Sorsogon ito ipinagkaloob,” paliwanag ni Aceron. “Hindi niya maaaring sabihing wala siyang alam sa mga negosyo ni Lubiano nang tanggapin niya ang ₱30 milyon.”

Hinihiling ng Omnibus Motion sa Senate Ethics Committee na:

Pabilisin ang pagpapadala ng reklamo kay Sen. Escudero na may malinaw na deadline para sa tugon;

Magpalabas ng subpoena para sa mga kumpletong financial records ng Centerways Construction at Metroways Health Care, personal na financial records ni Lubiano, mga rekord ng BIR na may dividend at shareholder transactions, at mga kontrata ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon (2019–2022) na ibinigay sa parehong kompanya.

Hiniling din ni Aceron na magsagawa ang komite ng pagdinig upang alamin:

Kung sapat bang depensa ang “good faith belief” sa ilalim ng RA 6713;

Kung paano sinuri ni Escudero ang pinagmulan ng ₱30-milyong donasyon;

Kung paano nauugnay ang ₱35M accounting discrepancy sa “personal funds” claim; at Kung ang ugnayan nila ay transaksiyonal na noong panahon pa ng kanyang pamumuno bilang gobernador.
“Kung may mapatunayang paglabag, dapat itong ipasa sa nararapat na mga ahensya,” giit ni Aceron.

Binanggit din sa mosyon na apat na araw matapos isampa ang reklamo, nag-post si Sen. JV Ejercito — Chair ng Senate Ethics Committee — ng birthday greetings kay Escudero sa Facebook, na ni-repost pa ni Escudero bilang pasasalamat.

“Hindi ko ito binabanggit para kwestyunin ang integridad ni Senador Ejercito,” dagdag ni Aceron, “kundi upang idiin na kailangan ng publiko ng kumpiyansa na patas at walang kinikilingan ang proseso ng ethics committee, lalo na kung may mabigat na dokumentaryong ebidensya.” (JK)

17

Related posts

Leave a Comment