TRANSPARENCY SA MEDICAL BILLS, IGINIIT

ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang panukala para sa transparency sa medical bill at maiwasan ang tinatawag nitong surprise billing sa mga pasyente.

Sa kanyang Senate Bill 2334 o ang proposed Medical Bill Transparency Act, nais ni Lapid na obligahin ang mga ospital at health care providers na ipaliwanag sa pasyente ang lahat ng gagastusin sa kanilang pagpapagamot.

Binigyang-diin ni Lapid na sa kabila nang ipinatutupad na Universal Health Care (UHC) Law, hindi pa rin nareresolba ang medical pricing aspect, tulad ng transparency sa medical expenses o bills.

“Bagamat malaking tulong ang Universal Health Care Law para masigurong makakatanggap ng de kalidad at abot-kayang pagpapagamot at check-up ang ating mga kababayan, batid natin na umiinda pa rin ang maraming Pilipino kaugnay sa “surprise billing” na malaking dagok lalo sa mga kaanak ng may sakit,” saad ng senador.

“Kaya sa aking panukala, hinihiling ko na isapubliko ng mga ospital at healthcare providers ang presyo ng kanilang mga serbisyo para makapili ng maayos ang ating mga kababayan kung saan sila magpapagamot at nang hindi sila masusurpresa sa bayarin,” diin ni Lapid.

Nais ding matiyak ng senador sa kanyang panukala na makakapili ang pasyente ng healthcare na nais at kailangan nila.

Nakasaad sa panukala na mandato ng Department of Health na bumalangkas ng mga regulasyon upang obligahin ang mga pagamutan na magpaskil ng kanilang standard charge information.
Kasama rito ang charges at impormasyon batay sa rates sa common items and services, na madaling maintindihan.

“Layunin ng ating panukalang batas na ipaalam ng mga ospital at health care providers sa publiko kung magkano mismo ang kanilang sisingilin sa kanilang mga serbisyo, gamot, at ibang bayarin para maging malinaw ito sa kanilang mga pasyente,” dagdag ni Lapid.

“Tungkulin din ng mga ospital na i-update ang mga impormasyong ito tuwing may mga pagbabago. Higit sa lahat, kailangan ng isang malinaw na monitoring system para matiyak ng Secretary of Health kung sumusunod ba ang lahat sa hangaring transparency ng batas,” paliwanag pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

87

Related posts

Leave a Comment