PARA sa mga ekonomista, indikasyon ng pag-unlad ng isang bansa ang pagdami ng mga sasakyang dumadaloy sa mga pampublikong lansangan. Gayundin ang pamamayagpag ng mga bangko at negosyo.
Subalit tulad ng karaniwang giit ng mga sinaunang tao – ang lahat ng sobra ay sadyang nakasasama – tulad ng alak, sigarilyo at iba pang bisyo at kapritso.
Ganito rin ang sitwasyon sa National Capital Region. Ang dating talahiban na kung tawagin ay Rizal, isa nang ganap na sentro ng poder at komersyo.
Sa Metro Manila ay makikita ang pinakamalaking mga kumpanya, mga pinakamayamang tao, ang bulwagan ng Kongreso, ang Korte Suprema, mga punong tanggapan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at maging ang mismong Palasyo kung saan nag-oopisina ang pangulo.
Sa paglipas ng panahon, dumami ang tao, lumobo ang populasyon at ang mga probinsyano ay nagsimulang dumayo sa paniniwalang narito sa kabisera ang sagot sa kanilang dinaranas na kahirapan sa kanilang malayong bayan.
Ito mismo ang problema ng Metro Manila. Sa sobrang dami ng tao, hindi na kinaya ng mga pampublikong sasakyan na pagsilbihan ang nasa 16 milyong residente ng naturang rehiyon. Ang resulta – nagkanya-kanyang bili ng sasakyan para makarating sa kani-kanilang paroroonan.
Ang tugon ng pamahalaan, mas malapad – kung hindi man karagdagang daluyan ng mga sasakyan, pagpapataw ng multa sa mga lumalabag sa batas trapiko at mga gimik na sadyang ikinadismaya ng publiko.
Ang tanong – ‘yan ba talaga ang solusyon? Sa mga pag-aaral ng mga primera-klaseng estado, nakita ang kanilang sikreto. Nasa tamang direksyon ang ating gobyerno. Ang problema, kulang ang sangkap sa formula ng mga henyo.
Dangan naman kasi sa ibang bansa, kasabay ng mga imprastrakturang daluyan ng mga sasakyan ang pagpapaunlad ng mass transportation system.
Meron naman tayong mass transportation tulad ng PNR, LRT at MRT. Pero hindi kayang tugunan ang dami ng mga tao sa Metro Manila.
Kung maitataas lang ang antas ng kapasidad ng naturang mga tren at makapagpatayo ng mas maraming ruta na nagdurugtong sa 17 lokalidad ng Metro Manila at mga karatig probinsya, tiyak na mababawasan ang mga pribadong kotse sa mga kalsada – lalo pa’t masakit na sa bulsa ang presyo ng krudo at gasolina.
720