EKSAKTO ala-1:25 ng madaling araw nitong Biyernes nang tuluyan nang makapasok sa Simbahan ng Quiapo ang imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Kumpara sa nagdaang selebrasyon, tumagal ngayong taon nang hanggang mahigit 21-oras ang Traslacion na dinuhan ng milyong deboto.
Huwebes ng umaga, pagsapit ng andas sa Katigbak Drive at Roxas Blvd. ay dalawang grupo ng mga deboto ang nag-agawan sa lubid na nauwi sa sakitan.
Sa unang pagkakataon, nag-deploy ang MPD ng sasakyan ng SWAT na umikot ay nagpapaalala sa mga mga deboto ng mga protocol.
Ilang indibidwal din ang naitalang minor cases ng Philippine Red Cross (PRC) na sa huli nilang datos ay umabot sa 568 na indibidwal kasama ang ilang major cases.
Sa Plaza Miranda kung saan may nakabarikadang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), kahit pa makapal ang kanilang barikada, ay hindi nito kinaya ang dami ng mga deboto.
Nagmistulang dagat na umaalon ang dagsa ng mga deboto kasama na ang mga hijos at mga nagsimba.
Alas-11:17 ng gabi nang isara ang gate at pinto ng Basilica at nakapuwesto na ang pulutong ng mga pulis habang inaabangan ang pagbabalik ng Poon sa kanyang bahay.
Bago nakarating sa Simbahan, bumagal ang Traslacion sa bahagi ng Concepcion Aguila Street patungong San Sebastian Church para sa tradisyunal na ‘Dungaw’ dahil marami pa rin ang mga sumasalubong sa andas at kanya-kanyang diskarte sa makikipot na daan upang makahawak sa Poon.
Pagsapit sa San Sebastian, naputol ang isa pang lubid dahilan para lalong bumagal ang usad ng andas ng Traslacion bukod pa sa napakakipot na kalsada.
Ayon sa Quiapo Church, maraming deboto ang dumagsa bandang hapon dahil may mga humabol galing sa kanilang trabaho sa ibang lungsod bukod pa sa holiday sa Maynila, at maganda ang panahon nitong Huwebes.
Aminado naman ni Alex Irasga, ang technical adviser ng Quiapo Church at Nazareno 2025, na hindi talaga maiiwasan na napuputol ang lubid sa Traslacion.
Sinabi rin ni Irasca, siya mismo ang nagpaputol at nagpalagare sa lubid pagsapit sa San Sebastian Church dahil nagbuhol-buhol na ito sa gulong ng andas.
“Ako ang nagpaputol [lubid] dahil nagkabuhol-buhol na, pumapasok na sa gulong, mas bumilis pa nga eh,” ani Irasca.
Nilinaw rin ni Irasca na hindi natanggal ang isang gulong ng andas kundi ang lubid ang pumulupot sa gulong na kinailangan nilang lagariin.
Sa unang ilang oras ng Traslacion noong Huwebes ng umaga ay natanggal o naputol din ang isang lubid na hila-hila ng mga deboto.
Sa Hidalgo Street, muling natagalan ang paglabas ng andas pakaliwa sa southbound ng Quezon Boulevard kanan sa Palanca Street patungong Villalobos Street papasok ng Plaza Miranda.
Napansin din na pawang mga pulis na unipormado ng Type B ang nakasakay sa andas paglabas sa Hidalgo Street upang hindi na masampahan pa ng mga deboto.
Samantala, nagpatuloy ang pagdaraos ng banal na misa na umabot sa 31 kasama ang misa na idinaos sa Quirino Grandstand.
Ang tema ng Kapistahan ng Quiapo ngayong Taon ay “Mas Mabuti ang Pagsunod kaysa Paghahandog”.
Sa mensahe ni Fr. Robert Arellano sa mga deboto, sinabi niyang walang silbi ang pagsisimba, pagsasalya at pakikipagsiksikan kung hindi marunong sumunod sa Diyos.
“Sa pagsunod sa Diyos ang buhay ng tao ay umaayos,” mensahe pa ni Fr. Arellano.
Dahil nahirapan nang umusad dahil sa kawalan na ng mga lubid ay tumulong na ang mga batang Quiapo para kunin o salubungin ang andas para mabigyan ng maayos na daraanan pabalik ng Minor Basilica.
Samantala, sa datos ng Manila LGU, umabot sa 2.2 milyong deboto ang sumama sa Traslacion hanggang alas-dos ng hapon. (JOCELYN DOMENDEN)
12