AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
DUMULOG ang 39-anyos na OFW na si Edna Ostilano, sa ating programa sa radio na UP, UP Pilipinas na napakikinggan sa DWDD 1134 KHz AM. Ayon kay Edna, maraming beses siyang nagkasakit at katunayan ay nagpabalik-balik na siya sa ospital. Kwento pa ni Edna, noong minsan na siya ay dumulog sa kanyang amo dahil sa kanyang masamang pakiramdam, imbes na dalhin agad sa ospital ay sinabihan pa siya ng kanyang amo na magbigay siya ng pera para pambayad sa doctor. Dahil hindi naman siya nakapagbigay ng pera ay tuluyan siyang nahilo at bumagsak sa sahig. Dinala naman agad siya sa ospital, ngunit matapos na maeksamen ay ibinalik na lamang siya ng amo sa kanyang ahensya.
Pagdating niya sa ahensya, nagsimula na ang kanyang hinaing na kung saan ay isinusumbong niya na kung saan-saan na lamang daw siya pinapahiga. Dalawang linggo siyang humiga sa isang lumang karton at ang masahol pa rito ay hindi man lamang siya binigyan ng pagkain. Tanging tsaa at tinapay lamang ang araw-araw niyang kinakain.
Matapos ng ilang linggo na pananatili sa accommodation ng ahensya sa Saudi Arabia, ay muli na naman siyang ipinadala sa bagong employer na kung saan ay dito naman niya naranasan ang pananakit ng kanyang bagong amo. Naranasan niya rin ang sipain ng kanyang amo.
Dahil sa pananakit na ito ng amo kung kaya nakiusap na lamang ito na pauwiin na lamang siya sa Pilipinas. Ibinigay naman ng kanyang amo ang kanyang pasaporte. Matapos nito ay nagtungo na siya sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) – Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Shelter upang doon na pansamantalang maglagi para makauwi na sa Pilipinas.
Ngunit ayon kay Edna ay sinabihan siya ng taga-POLO-OWWA na muli siyang ibabalik sa kanyang ahensya. Dito na tuluyang nahabag sa kanyang sarili si Edna na pakiramdam niya ay tila ipinagtatabuyan siya ng POLO.
Sa kasalukuyan ay iniinda pa rin ni Edna ang labis na pananakit ng kanyang ulo at sama ng pakiramdam dahil sa patuloy na pananakit ng sikmura at pagtaas ng presyon ng kanyang dugo.
Labis-labis na nakikiusap si Edna na matulungan siya na makauwi na sa Pilipinas. Bagaman hawak na niya ang kanyang pasaporte, ngunit ayaw naman siyang bigyan ng exit visa ng kanyang employer.
Ang sumbong na ito ni Edna ay ating ipinarating kay OWWA Director Sherelyn Malonzo upang mabigyan ng mabilis na aksyon at masigurong makauuwi na sa Pilipinas ang ating kabayaning si Edna.
Muling ipinapaalala ng AKO OFW sa mga ibig mangibang bansa na kung ito ay may dati nang dinaramdam katulad ng mga dating caesarean operation o iba pang katulad nito, ay huwag nang subukin pang mangibang bansa. Dahil marami nang mga sumbong ang ating natatanggap na dahil sa bigat ng trabaho sa kanilang employer ay muling nagdurugo ang lugar ng hiwa ng kanilang operasyon.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
