ARESTADO sa follow-up operation ng Manila Police District- Special Mayor’s Reaction Team ( SMaRT), ang isang Chinese national na nag-viral sa social media makaraang dumura sa loob ng isang fastfood restaurant sa Masangkay St., Tondo, Manila.
Kasalukuyang nasa kulungan ng MPD- SMaRT dahil sa mga kasong grave scandal, unjust vexation at malicious mischief ang suspek na si Jinxiong Chi, tubong Mainland, China
Batay sa ulat ni P/Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD-SMaRT, matapos mag-viral sa social media ang salaulang Tsino, agad iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hulihin at kasuhan ang suspek.
Agad namang tumalima si Major Ibay at sa pagsisiyasat, natunton ang suspek sa lugar na kung saan malapit lamang ang tinutuluyan nitong condominium.
Nauna rito, kahit na pinagbabawalan ang suspek ng nakatalagang sekyu sa McDonald fastfood restaurant sa Masangkay St. sa Tondo, ayaw itong tumigil sa kadudura sa lapag na naging dahilan upang mag-viral ito sa social media.
Dahil dito, agad umaksiyon si Major Ibay at natimbog ang nasabing Tsino. (RENE CRISOSTOMO)
