TSUPER KALABOSO SA RAPE SA 2 ANAK

“WALANG makikinabang sa inyo kung hindi ako lang.” Ito umano ang sinasabi ng 54-anyos na tricycle driver habang ginugulpi ang 20-anyos na dalagang anak makaraang tumanggi na ang biktima sa umano’y paulit-ulit na panghahalay sa kanya ng sariling ama sa Malabon City.

Bunsod nito, napilitan nang ipagtapat ng biktimang itinago sa pangalang “Lucy,” ang panghahalay ng kanyang ama na itinago niya sa matagal ding panahon sa takot na totohanin ng suspek ang banta na may mangyayaring masama sa kanila sa oras na magsumbong siya kaninuman.

Kaagad na humingi ng tulong sa barangay at pulisya ang ina ng dalaga kaya’t agad nadakip ang suspek noong Linggo, naging dahilan upang magkaroon ng lakas ng loob ang 16-anyos na kapatid ni Lucy na ipinagtapat din ang panghahalay sa kanya ng kanilang ama.

Napag-alaman, ang pinakahuling insidente ng panghahalay kay Lucy ay noong Biyernes ng umaga.

Batay sa pagsusuri ng medico legal ng Northern Police District (NPD) Crime Laboratory, positibong hinalay ang dalaga na hindi lamang minsang nangyari, tulad ng sumbong ng biktima.

Nitong Lunes, isinalang din sa medico legal examination ang nakababatang kapatid nito na si “Nora” na umano’y paulit-ulit ding ginagahasa ng ama sa tuwing wala sa bahay ang kanilang ina.

Kapag nagpositibo ang resulta sa pagsusuri kay Nora ay isasampa na ng pulisya ang kasong sexual violence at multiple rape laban sa ama ng mga biktima sa piskalya ng Malabon City. (FRANCIS SORIANO)

276

Related posts

Leave a Comment