TULUYANG PAG-BAN SA POGO SUPORTADO SA SENADO

NAKAKUHA na ng sapat na suporta sa Senado ang committee report ng Senate Committee on Ways and Means na nagrerekomenda ng tuluyang pagban at pagpapalayas sa mga Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng kumite, nakakuha na ng sapat na lagda mula sa mga senador ang kanilang Committee Report 136 na naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Una nang inilabas ni Gatchalian ang chairman’s report na naninindigang hindi sapat na matumbasan ang gastusin ng gobyerno sa pagresolba sa mga krimen ang anumang kita na nakukuha sa POGO industry.

Nakasaad sa committee report ang paghimok sa Department of Labor and employment (DOLE) na maghanap ng alternatibong trabaho para sa mga Pilipino na empleyado ng mga POGO.

Maaari aniya silang ilipat sa industriya ng Information Technology Business Process Outsourcing at manufacturing sa pamamagitan ng wastong koordinasyon.

Hinihimok din ng committee report ang Bureau of Immigration na kanselahin at bawiin ang mga working visa na ibinibigay sa mga dayuhang nagtatrabaho sa kumpanya ng POGO at ipatupad ang kanilang deportasyon alinsunod sa mga patakaran at regulasyon ng ahensya.

Batay sa ulat ng PNP, umabot na sa 4,355 ang kabuuang bilang ng mga biktima ng POGO-related crimes na may kabuuang 903 perpetrators mula Enero 2017 hanggang Hunyo 30 ng taong ito
Kabilang sa mga krimeng nagawa sa mga insidenteng naitala ay human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, theft, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, at iba pa.

(Dang Samson-Garcia)

422

Related posts

Leave a Comment