NARARAPAT lang na ikonsidera ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang polisiya na iquarantine ang mga kababayan nating umuwi ng Pilipinas na kumpleto na ang bakuna.
Naunawaan ko ang sama ng loob ng isang kaanak ko na napilitang umuwi sa Pilipinas matapos magkasakit ang kanyang tatay dahil sampung araw siyang ipinaquarantine, gayung limitado lang ang araw niya sa bansa.
Galing sila sa Amerika at Enero 2021 pa nila nakumpleto ang kanilang bakuna, kaya inaasahan nila na pagdating sa Pilipinas ay hindi na sila ika-quarantine dahil fully-vaccinated na rin naman sila.
Pero, pagdating sa Pilipinas, obligado silang sumailalim sa 10 araw na quarantine kahit nagnegatibo sila sa swab test, isa sa mga protocol ng gobyerno sa mga kababayan natin na umuwi sa ating bansa.
Sumama ang kanilang loob dahil nasayang ang 10 araw nila sa quarantine facilities at hindi ko sila masisisi dahil imbes na gamitin ang nasayang na araw sa pag-aalaga sa kanilang ama ay naubos lang sa loob ng kuwarto ng isang hotel.
‘Yung iba na wala namang inuuwiang may sakit, pero fully-vaccinated na at gusto lang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay na hindi nila nakita nang matagal na panahon ay nagdadalawang isip na bumalik dahil sa polisiyang ito ng ating gobyerno.
Oo nga naman, bakit ka uuwi, eh masasayang lang ang oras mo sa quarantine facilities kahit fully-vaccinated ka na?
Talagang hindi ka uuwi muna kahit sabik na sabik na sa mga mahal mo sa buhay.
Ang masama lang nito, imbes na makatulong ang mga kababayan na mula sa ibang bansa sa pagba-ngon sa ating ekonomiya, eh pinipigilan mo silang gumastos dahil sa ganitong polisya.
Negatibo rin ang mensaheng ito sa mga kababayan natin na nagdadalawang isip na magpabakuna dahil kahit fully-vaccinated ka na, eh kinokontrol pa ng gobyerno ang mga kilos mo.
Iisipin ng mga tao, bakit pa sila magpapabakuna kung ganyan din lang ang patakaran ng gobyerno na tila umo-OA, as in nao-over acting, bagay na hindi nila ginawa noong unang nagkaroon ng pandemya.
Kahit pala ‘yung mga kababayan natin na fully-vaccinated na uuwi sa kanilang probinsya ay hindi kinikilala ng mga health official ng local government units (LGUs) sa mga lalawigan.
Mayroon akong kaki-lalang fully-vaccinated na at nagpa-antigen test pa rin dahil requirement sa pag-uwi ng local stranded individuals (LSI), pero pagdating sa kanilang bayan ay ipina-home quarantine pa siya ng dalawang linggo (sayang ang panahon).
Bakit? Sabi raw ng staff ng health office, walang garantiya ang bakuna na ligtas ka na sa COVID-19 at kahit negatibo ka sa antigen test, o kaya sa mismong swab test, kailangan mo pa ring magquarantine.
Kung ganyan ang sinasabi ng mga health official, paano kukumbinsihin ang mga tao, lalo na sa mga probinsya na magpabakuna?
Saan ang logic ng bakuna kung ganyan mag-isip ang mga local health official?
Dapat resolbahin ito ng IATF at huwag nang masyadong OA.
Dapat ang ka-oayan na ‘yan ang dapat ginawa noong unang lumaganap ang COVID-19 at hindi ngayon, lalo na sa mga nabakunahan na.
Papaano babangon ang ekonomiya natin kung limitado ang kilos ng mga tao, lalo na ang mga nabakunahan na?
Isipin n’yo!!!
198 