UP PROFS: MAHARLIKA BANTA SA EKONOMIYA

IPINAKOKONSIDERA ng 21 faculty members ng University of the Philippines School of Economics (UPSE) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda sa Maharlika Investment Fund bill kasabay ng paglalabas ng kanilang agam-agam sa posibleng panganib na idulot nito sa ekonomiya.

Nitong Martes, inilabas ng economic professors ang discussion paper na may 25 pahina at may titulong ‘Maharlika Investment Fund: Still Beyond Repair’ para himukin si Marcos Jr. na pag-isipang mabuti ang gagawing pag-apruba sa panukala.

Naniniwala ang mga ito na depektibo ang MIF at posibleng makasama sa ekonomiya ng bansa at pribadong sektor.

“We find that the MIF violates fundamental principles of economics and finance and poses serious risks to the economy and the public sector — notwithstanding its proponents’ good intention,” ayon sa mga ekonomistang propesor.

“Ang sinu-suggest ng iba, siguro magandang i-veto muna o i-reject muna ng Pangulo iyong bill na ito para mahayaan iyong Kongreso na mas mapag-usapan pa at mas mabusisi pa iyong mga probisyon. Sumasang-ayon kami doon – marami sa amin – dahil sa tingin namin ay hindi nagkaroon ng maayos na konsultasyon pagdating dito sa pagsusulat ng Maharlika Investment Fund bill,” pahayag naman ni UPSE Assistant Professor Jan Carlo Punongbayan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Diokno na tila huli na ang aksyon ng mga ekonomista at wala nang rekonsiderasyong mangyayari.

Linawin sa SONA

Kaugnay nito, iminungkahi ni Albay Rep. Joey Salceda kay Pangulong Marcos Jr., na isama sa kanyang State of the National Address (SONA) ang usapin sa MIF.

“The inclusion of MIF priorities in the SONA will provide concrete policy direction for the Fund. The managers will know which way the ship should sail,” ani Salceda dahil ang isa sa mga isyung inilutang ng UPSE ay walang malinaw na target kung saan ilalagay ang pondo.

Muling haharap para mag-ulat sa bayan sa ikalawang pagkakataon si Marcos sa Hulyo 24, 2023.

“It’s also an opportunity to concretize what the President envisions for the Fund. The whole diplomatic corps will be watching the SONA. And, as I can attest to when we were doing discussions on the bill, several countries and their partner banks are interested in this Fund. The President’s words on Maharlika will matter,” ani Salceda.

Lagda na lamang ni Marcos ang kulang para maging ganap na batas ang MIF kung saan planong pondohan ito ng hanggang P500 Billion na gagamiting investment sa iba’t ibang negosyo.

Gayunman, kinakabahan ang UPSE dito dahil walang malinaw na investment goal at hindi umano nakalinya sa Philippine Development Plan 2023-2028 at maging sa medium-term fiscal framework.

“Section 13 of the bill clearly says that the ‘The objective of MIF is to promote socio-economic development. There it is. It’s a development fund,” pagtatanggol ni Salceda sa MIF.

Ayon naman kay Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares, walang plano ang mga ito na itigil ang laban sa MIF upang maproteksyunan ang pondo ng bayan.

“The battle against it, including the fight against the use of pension funds in it, should continue,” ani Colmenares dahil maari pa ring gamitin ang pera ng mga miyembro ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), PagIBIG, Philhealth at Philippine Veterans Affairs Office ( PVAO).

Sa ngayon ay naghihintay na lamang ang grupo ni Colmenares na malagdaan ang nasabing batas bago nila ito kuwestiyunin sa Korte Suprema. (BERNARD TAGUINOD)

296

Related posts

Leave a Comment